Inihandang mabuti ang plasa. Nagtutulung-tulong ang mga taga-baryo. Nilinis at nilagyan ng bakod. Nilagyan ng banderitas na ibat iba ang kulay. Umarkila sila ng malakas na ponograpo.
Mag-aalas-otso ng gabi ay dagsa na ang mga kabinataan. Ang mga suot ay parang pamburol. Pagdating ng mga kadalagahan ay nag-umpisa na ang hinihintay-hintay ng lahat na sayawan. Masayang-masaya ang lahat at walang tigil sa pagsasayaw. Magdamagan daw o pa-morningan ang sayawan.
Ang binatilyong si Poldo ay naroon. Nakasuot din ng pamburol. Wala ring tigil sa pakikipagsayawan si Poldo.
Nang magmadaling-araw ay may nagsabing tatapusin na ang sayawan. Marami ang tumutol.
Hindi lamang ang pagsasayawan ang ginagawa. Paminsan-minsan ay may kumakanta para magpahinga ang mga nagsisisayaw.
Si Poldo ay nahilingang bumigkas ng tula. Sabi ni Poldo: "Kaunting bato, kaunting semento, monumento. Kaunting halo, inidoro."
Sinabayan ng tawa na malakas at ibinulgar sa mikropono ang tungkol sa tula. "Ang aking tula ay buong puso at pagmamahal na inihahandog ko kay Dr. Flavier. Sapagkat siya ang nagturo sa atin ng paggawa ng sementong inidoro sa bayan. Kaya ang inidoro ay magsisilbing kanyang monumento."