May karapatan ang suspect

GRADE 4 lang ang natapos ni Alex. Delivery boy siya ni Connie na nagtitinda ng mga kinatay na manok. Isang araw natagpuan ang mga bangkay ng dalawang maid ni Connie.

Matapos kunan ng statement ang isa pang maid na nagngangalang Helen, at ang isang kapitbahay na si Rosie na umano’y nakakita kay Alex na may isang kasamang bumaba sa hagdan at duguan, hinanap ito ng mga pulis at inaresto.

Nang araw ding iyon umamin si Alex. Sa pagsulat ng kanyang pag amin, pinakiusapan ng mga imbestigador si Atty. Magtanggol isang hepe ng pulisya ng ibang station na nagkataong abogado rin at noo’y nasa station ng pulis.

Tinanong umano ni Atty. Magtanggol si Alex kung payag itong tumayo bilang abogado nito. Pagkaraan ay sinabi ni Atty. Magtanggol kay Alex ang mga karapatan niya sa ilalim ng batas na huwag magsalita, na kumuha ng abogado, na huwag pumirma sa anumang statement dahil ito’y maaaring gamitin sa kanya at huwag pumayag na humarap sa police lineup. Matapos maipaalala ni Atty. Magtanggol ang mga karapatang ito, pumirma pa rin umano si Alex sa kasulatan ng pag-amin sa krimen.

Kaya nakasuhan siya ng murder at ang pag-amin niya ay sinumite sa hukuman bilang pangunahing ebidensiya. Sa kabila ng pagsumbong niya sa hukuman na siya’y ginulpi lang at pinigilan sa himpilan hanggang hindi pumipirma, sinentensiyahan pa rin siya ng mababang hukuman na nagkasala. Tama ba ang hukuman?

Mali.
Bagama’t walang sapat na katunayan si Alex na pinuwersa lang siyang umamin, hindi rin magagamit ang nasabing pag-amin laban sa kanya, sapagkat hindi sapat ang babala at payong ibinigay sa kanya bago lumagda. Kailangan ay binalaan siya; na karapatan niyang huwag magsalita na anumang sasabihin niya ay maaaring gamitin laban sa kanya; na karapatan niyang kumuha ng sariling abogado at kung siya’y mahirap at hindi kayang magbayad ng abogado, bibigyan siya ng abogado.

Ang pagpapayong ginawa ni Atty. Magtanggol tungkol sa mga karapatang ito ay hindi sapat. Ito’y ginawa lang upang makatupad at tapusin ang tungkulin at hindi binigyan ng wastong pansin.Hindi man lang inalam ng mabuti kung ibig ni Alex na kumuha ng sariling abogado, at kung ibig niya’y sino ang kursunada niya.

Bukod dito, si Atty. Magtanggol ay pinili ng mga pulis. Karaniwan, kapag pulis ang pumili ng abogado ng suspect malamang lutong makaw ang kalalabasan. Hindi masasabing independiyenteng abogado si Atty. Magtanggol. Kaya ang pag-amin ni Alex ay hindi maaaring tanggapin bilang ebidensiya. At dahil wala ng iba pang ebidensiyang nagpapatunay ng pagkakasala niya, siya’y dapat palayain at pawalang sala. (People of the Philippines vs. Obrero G.R. No. 122142 May 17, 2000).

Show comments