Nagkagulo nang magpaputok ang isa sa mga holdaper. Itinigil ng driver ang bus at nagbabaan ang mga holdaper at pasahero. Si Mel na isang pasahero ay nagtamo ng sugat sa kaliwang hita at dinala sa ospital. Habang nasa ospital, isang sarhento ng pulisya ang umanoy nakakita ng paltik sa may kama ni Mel. Kahit hindi siya sigurado kung itoy kay Mel, dinakip ito at pinaratangan ng highway robbery. Si Dante na isa pang pasaherong sumakay sa Cubao ang tumestigo laban kay Mel. Una siyang nagbigay ng statement sa pulis at isinaad niya na nooy nakaupo siya sa likuran ng driver at nakita niya ang isang holdaper. Wala siyang binanggit na pangalan at hindi niya namukhaan man lang si Mel sa police station.
Ngunit nang tumestigo sa Korte, sinabi niyang nakaupo siya sa gitna ng bus at ang tumutok sa driver ay isa sa kasamahan ni Mel. Si Mel ayon sa kanya ay nakatayo sa may pinto ng bus. Nang iharap sa kanya ang ibang sinabi niya sa statement sa pulisya, sinabi niyang palipat-lipat daw siya ng upuan dahil balisa siya at palingun-lingon. Na si Mel daw ang tumutok sa driver. Sa patuloy pa ng kanyang salaysay, iniba na naman niya ito at sinabing dalawa ang tumutok sa driver. Sinabi rin niya sa Korte na si Mel ang isa sa mga holdaper na itinuro niya sa police station. Nang iharap sa kanyang muli ang statement sa pulis, inamin na niya na hindi talaga niya namukhaan si Mel at nakilala lang niya ito sa diyaryo. Sinabi rin niya sa Korte na ang putok ay nanggaling sa harap ng bus bagamat ayon sa kanya ang mga holdaper sa harap ay armado lang ng mga patalim.
Batay lang sa salaysay ni Dante, sinentensiyahan ng hukuman si Mel dahil sa highway robbery at pinatawan ng reclusion perpetua. Tama ba ang hukuman?
Mali. Hindi dapat paniwalaan ng hukuman ang paiba-ibang salaysay ni Dante. Ang salu-salungat na salaysay niyay nagpagrabe at nagpapakitang itoy hindi kapani-paniwala lalo na ang pagkakaturo at pagkilala kay Mel na isa sa mga holdaper. Kung talagang nakita niya si Mel, walang dahilan kung bakit hindi niya ito tinukoy sa kanyang affidavit sa pulisya. Pag ang isang importanteng detalye ay kinaligtaang banggitin sa affidavit, itoy makapipinsala sa kredibilidad ng testigo. Malinaw na dinamay lang si Mel. (People of the Philippines vs. Dolnog G.R. No. 122840 May 31, 2000)