Ganid, kaya sabit

Matindi ang tawag ng dalawang dating katoto kay Robert Rivero. Para raw ahas sa Paraiso.

Star witness si Rivero ng oposisyon para isangkot sina Sen. Joker Arroyo at Juan Flavier sa scam kuno sa Philippine Charity Sweepstakes Office. Siya ang nagbulgar na pinagamit daw ni First Gentleman Mike Arroyo ang pera ng PCSO sa kampanya ng dalawa. Sumabay sa exposé ni Rivero ang kaibigang Bulacan newsmen Art Sampana at Jun Acot. Sinabi ng dalawa na inaapi lang nina Col. Vic Corpus, Gens. Benjamin Libarnes at Jose Calimlim, at dating PNP chief Roberto Lastimoso si Sen. Ping Lacson ng oposisyon. Panakip lang umano ang banat kay Lacson sa mga naganap sa PCSO nu’ng kampanya.

Lumabas na ang totoo. Umamin sina Sampana at Acot na sinilaw sila ni Rivero ng P1 milyon mula kina Lacson at Sen. Ed Angara kung uupakan sina Corpus at Joker. Nu’ng Agosto 22 daw niluto nina Rivero at Demaree Raval, legal aide ni Angara, ang statements ni Sampana laban kina Corpus, Joker at tatlong heneral. Pinadagdag pa nga ang banat kina Mike Arroyo at Sen. Robert Barbers, kaya lang hindi siya pumayag dahil marami nang kabulaanan sa salaysay niya. Nirepaso raw ni Angara ang statement, at saka pinirmahan ni Sampana. Inabutan siya ng P10,000 at sinabihang marami pang darating mula kay Rivero.

Pero wala na ni isang kusing na nakuha si Sampana. Pinatotohanan lahat ito ni Acot. Dinagdag niya na hindi lang ‘yon ang unang beses dinidal sila ni Rivero. Bihasa raw ito sa AC-DC (attack and collect, defend and collect). May pinauupakan si Rivero, tapos hihingan niya ng pera para patigilin ang banat at purihin pa. Marami raw biktima sa Bulacan.

Nu’ng 1998 dinidal din ni Rivero si Sampana sa parte sa P200-milyong textbook deal sa gobyerno. Tig-P1 milyon dapat sila nina Rivero at asawa nito na nagtatrabaho sa Senado. Nakakubra si Rivero ng P1.5 milyong advance. One-third o P500,000 dapat ang kay Sampana. Ni anino ay hindi niya nakita. Inupakan niya si Rivero sa media. Pinag-bati sila.

Rumaket na naman nu’ng Agosto. Dinidal na naman.

Show comments