Ang ganito kabilis na aksiyon ng pulisya ang kailangan ng taumbayan sa kasalukuyan. Ngayon ay hindi na maitatatwa ang paglaganap at pagtaas ng krimen. Malalakas ang loob ng mga holdupper, kidnapper, cellphone snatchers at marami pang iba. Marami ang nagsasabi na halos wala nang lugar na ligtas dito sa Metro Manila. Nakatatakot na baka matiyempuhan ng mga kriminal. Ang nangyari kay Nida ay isang halimbawa. Pinatay si Nida sa saksak at natagpuan ang bangkay sa loob mismo ng kanyang kotse noong Miyerkules ng umaga habang naka-park sa sixth floor ng Atlanta Centre sa Greenhills, San Juan.
Kapag nalutas na ang kaso ng pagpatay kay Nida, dapat din namang lutasin ng PNP ang iba pang mga kontrobersiyal na kaso na hanggang ngayon ay nababalot pa rin ng misteryo. Ilan sa mga ito ay ang mahiwagang pagpatay kay PR man Salvador Bubby Dacer at sa kanyang driver na si Emmanuel Corbito. Lutasin din ang kaso ng misteryosong pagkawala ni Edgar Bentain. Si Bentain ang Pagcor employee na kumuha ng video habang nakikipagsugal si dating President Estrada noong May 1998.
Maraming biktima ng panggagahasa na ang mga suspect ay hindi mahuli. Mayroong kinikidnap at kapag hindi nagkasundo sa ransom ay pinapatay. Nangangailangan ang mga biktima ng hustisya at magkakaroon lamang ito ng katotohanan kung mahuhuli ang mga suspect at bubulukin sa kulungan.
Tinawag ni GMA si Gen. Mendoza na Elliot Ness. Sanay hindi lamang kay Nida Blanca siya magpakitang-gilas kundi sa lahat na nangangailangan ng tulong at hustisya. Sa ganitong paraan ganap na magtitiwala ang taumbayan sa pulisya. Sa seryosong pagtupad nila sa tungkulin ganap silang mahahango sa putikang kinasadlakan.
Huwag nang hintayin ang utos ni GMA.