Ngunit sa palagay ko, this should be done on a case-to-case basis. Hindi yaong panglahatan.
Sino ang ipapailalim sa drug test? Eh di yaong maraming traffic violations at vehicular accidents na sila ang may kasalanan. Simple! Makikita iyan sa records.
In my case, sa dalawampung taon kong pagmamaneho, siguroy nakaka-tatlo pa lang akong aksidente na ako ang may kasalanan at ni minsan ay hindi ako natikitan for violation.
Pero kung ang driver ay madalas maka-aksidente, madalas lumabag sa batas ng trapiko, most likely, kung hindi siya lasing sa alak ay durog siya sa droga. Sila ang dapat ipailalim sa drug test.
Kung tutuusin, kung santambak ang mga aksidente at violations ng isang driver, siguro huwag na siyang bigyan ng lisensya kahit kailan, durog man siya o matino ang isip.
Sa ngayon, walang sinisino ang pinasimulang mandatory drug test. Baguhan man o nagpapa-renew lang, dapat sumailalim sa drug tests. Laking abala nito.
Pati mga senior citizens, pari, madre, pastor, babae man o lalaki ay obligadong magpasuri ng dugo at ihi sa mga designated testing centers sa halagang P300.
Walang sapat na drug testing centers para mabilis na matugunan ang mga pumipilang license applicants. Katunayan marami na ang nagrereklamo sa haba ng pila at naaaksayang oras bago makuha ang resulta ng drug test.
Kaya sana ay maka-abot sa kaalaman nina Transportation and Communication Secretary Bebot Alvarez at LTO Chief Ed Abenina ang obserbasyong ito.
Noong araw, may panukala na ang mga estudyante ay isailalim sa drug test. Pati mga kumakandidatong pulitiko ay dapat daw sumailalim sa pagsusuring ito. Magandang layunin pero marami ang tumututol.
Sigaw nila "human rights violation."
Bakit itong mandatory drug test na ito ng LTO ay nakalusot nang walang sektor na tumutol?
Ibig bang sabihin kung driver ka na nangangailangan ng lisensya, inaalis ang iyong karapatang pantao? I cant understand the logic.
Hindi tayo dapat maging double standard. Kung ang katuwiran ay peligrosong magmaneho ng sasakyan ang mga adik, di ba lalung mapanganib kung ang bansa natin ay pamamahalaan din ng mga gumon sa droga?
Kung dapat talagang ipatupad ito ng LTO, aba dapat din itong ipatupad sa pangkalahatan: sa mga pumapasok na pulis o sundalo, estudyante, pulitiko at mga aplikante sa trabaho lalo na yaong mga itinatalagang opisyal ng pamahalaan.
Isa pa, hindi foolproof ang drug test. Nadadaya iyan. Magdiyeta lang sa droga ng ilang araw ang magpapasuri, mawawala na ang ebidensya ng pagka-adik sa kanyang dugo.
At kabisado natin ang abilidad ng mga Pilipino. Kung ang pasaporte, visa o kahit mismong lisensya ay napepeke, kung ang pera ay napepeke, iyan pa kayang resulta ng drug test?
Kung hindi man, anong garantiya na ang mga testing centers ay hindi masusuhulan ng mas malaki kaysa P300 fee para lamang palabasing negatibo ang drug test result ng isang adik?
Sanay pag-isipan pang mabuti, malalim at malawak ang konseptong ito. Magandang ideya pero tila padalus-dalos.