Karapatan ng mamimili igiit

Tiyak, lahat tayo merong masamang karanasan sa produktong nabili. Kaya bago magtapos ang Oktubre, Consumer Welfare Month, maghabol tayo ng tips sa pag-complain bilang mamimili.

Karapatan nating consumer ang mahusay na produkto at serbisyo sa tamang presyo. Kung magka-aberya, ipaalam agad sa kompanya o tindahan. Di lang ito pinaka-mabilis na paglutas ng aberya, mahuhuli pa ang loyalty natin sa binilhan at mapapagbuti nito ang ibinebenta. Tips:

•
Itukoy ang problema at sabihin ang nais na solusyon. Gusto mo ba ng refund, repair o replacement?

•
Ipunin ang mga dokumento ng pagbili – resibo, tseke, warranty, repair order, kontrata – para pabilisan ang paglutas ng aberya.

•
Bumalik sa nagbenta o nagserbisyo at mahinahong ipaliwanag ang daing. Kung hindi ito maka-desisyon, hanapin ang manager. Ito ang kadalasang nakakaayos ng gusot. Kung may Customer Relations Officer ang kompanya, lalong mabuti.

•
Kung wala pa ring nangyari, sumulat ng pormal na complaint sa tamang ahensiya ng gobyerno. Ilakip ang pangalan at tirahan mo at ng iniaangal na kompanya o tindahan, at ang mga dokumento ng pagbili. Humandang makiharap kung tawagin sa anumang ahensiya:

Department of Trade and Industry, kung ang aberya ay sirain o sobrang mahal na produkto, at palpak na serbisyo o repair. Kasama na rito ang maling tatak o mapanlinlang na advertisement, peke o palpak na gamit, at paglabag sa mechanics ng sales promo;

Dept. of Health, kung hinaluan, peke o mali ang ibinentang gamot, pagkain, cosmetics, at anumang makasasama sa kalusugan;

Dept. of Agriculture, kung peke ang produktong pangsakahan;

Dept. of Interior and Local Governments, sa madayang timbangan;

Bangko Sentral ng Pilipinas, kung hindi sinaad sa papales lahat ng kondisyones ng pautang ng bangko o sanglaan; at

Securities and Exchange Commission, kung sabit ang pre-need plan.

Show comments