Kailangang matakpan na kaagad ang ginagawang imbestigasyon kay First Gentleman sapagkat ayon sa oposisyon, mukhang dumadami na ang naniniwala sa bombang inilabas ni dating PCSO media consultant Robert Rivero laban dito. Natatakot ang maka-administrasyon na maapektuhan sa eskandalong ito si President Gloria Macapagal-Arroyo.
Isa pang eskandalo na maaari pang humilang pababa kay GMA ay ang tungkol sa telecom scam na ibinunyag ni Bing Rodrigo na nagsasangkot din kay First Gentleman.
Ang senaryong ito ang inilalarawan ng oposisyon at mga kalaban sa pulitika ng administrasyong Arroyo. Ayaw ng mga ito na magpatuloy na gumanda ang papel ni GMA sapagkat malapit na ang 2004 elections. Kaya siguro active na active sina Senators Edgardo Angara, Blas Ople at iba pang mga oposisyunista. Si Ping Lacson ay patuloy pa rin sa pag-arangkada. Marami ang humuhula na tatakbo si Ping bilang Presidente.
Naniniwala naman si ex-President Fidel V. Ramos na walang magaganap na kudeta laban sa administrasyon ni GMA. Idiniin ni Ramos na hindi niya papayagang magkaroon ng kudeta laban kay GMA. May base ang pahayag na ito ni Ramos sapagkat hanggang ngayon ay maliwanag na lubos na lubos ang pagtitiwala ng mamamayang Pilipino at suporta ng pulis at military kay GMA.