Sa sobrang galit niya, nagbabala si Mendoza na sisibakin niya sa puwesto ang mga district directors at station commanders na tutulug-tulog sa tungkulin. May nagseryoso kaya sa kanya? Tanong lang.
Hindi naman kaila sa atin na wala ng inaatupag ang mga pulis natin sa ngayon kundi ang magpayaman. Nakalimutan nila, sa ilalim ng liderato ni Mendoza, ang sinumpaan nilang trabaho na pagsilbihan ang mamamayan.
Sinabi ng aking espiya na dahil nakarating sa kaalaman ng mga regional at district directors at provincial at station commanders na naanggihan ang opisina ni Mendoza ng jueteng money, naghikayat ito sa kanila na sundan ang yapak ng amo nila. Follow the leader, ika nga. Totoo ito, di ba Boss Wally?
Maaaring mas mataas pa sa 50 porsiyento ang itinaas ng kriminalidad sa Metro Manila, ayon sa mga pulis na nakausap ko. Sa panahon kasi ni dating PNP chief at ngayoy Senador Ping Lacson maaaring sabihin nating tumaas ang bilang ng krimen pero yaon ay dahil inirereport ng mamamayan ang nangyayaring mga krimen. Nagsusulputan ang mga residente sa mga presinto dahil tiwala silang kikilos ang pulisya sa reklamo nila at may malaking pagkataong maibalik nga ang mga nawala sa kanila. Pero sa ngayon na halos wala na namang tiwala ang mamamayan sa ating kapulisan, sinisiguro kong hindi lang 50 porsiyento ang itinaas ng krimen. Marami sa ating kababayan ang ayaw ng magreklamo dahil nakikita na naman nila ang mga "kotong" cops sa mga presinto at lansangan.
Paano maibabalik ni Mendoza ang tiwala ng mamamayan sa ating kapulisan? Sinabi ng mga nakausap kong pulis na ang unang dapat gawin ni Mendoza ay tanggalin sa tungkulin si Supt. Rolando Navarro, ng Muntinlupa City police. Si Navarro ay magreretiro na sa Disyembre at paano siya makapagtatrabaho ng maayos eh ayaw na niyang magkakaso sa dahilang baka mabulilyaso pa ang mga retirement benefits niya.