Imposible nga kayang mawala ang red tape sa Pilipinas? Ito ba ay isang panaginip lamang? Marami ang naniniwala na kayang baguhin ang masamang palakad na ito. Ang kailangan lamang ay magmula sa mga opisyales at nakatataas na opisina ang pagbabago. Marami sa mga empleyado ang masyado ng sanay sa kanilang nakaugaliang palakad na mahirap ng baguhin ang sistema. Pero sa pamamagitan ng seryosong pamunuan, mula na rin sa Presidente, maaaring matanggal ang red tape na ito.
Isa sa dapat mapasok sa isip ng mga kawani ng gobyerno ay ang konsepto ng pagbibigay ng resulta o serbisyo na mandato ng kanilang tanggapan. Kung minsan, sa sobrang pag-iisip, pag-iingat, o sa dami ng mga pipirma o magre-review, natatabunan na ang tanging pakay ng ahensiya ang maglingkod at magbigay serbisyo. Kaunting problema at kaunting teknikalidad, taumbayan na ang paghihintayin at magdurusa. Sa kasalimuutan ng sistemang pamahalaan, susuko na lamang ang taumbayan sa pagpursige ng kanilang papeles.
Ang punot dulo ng problema ay ang kawani ng gobyerno. Kailangang gumawa sila ng karagdagang hakbang at pasisikap upang ihatid sa tao ang serbisyo. Unang-una kailangang maibalik ang ngiti sa kanilang paglilingkod. Dapat ay muli nilang ilagay ang kanilang sarili sa sapatos ng pinaglilingkuran. Marami na rin ang namanhid sa serbisyo. At panghuli, sundan nila ang seryosong serbisyo at puspusang trabahong ipinakikita ni GMA.