Pinili ni GMA ang Ombudsman na mag-imbestiga sa kanyang asawa kaysa ang Senado sapagkat natatakot siyang mahantong lamang sa "witchhunt" ang imbestigasyon. Mahirap aniya na ang nag-aakusa ang siya ring magiging judge. Natatakot aniya siya sa maaaring mangyari lalo nat ang hahawak ng isa sa komiteng mag-iimbestiga ay si Sen. Edgardo Angara. Kung mapatunayan naman aniya na inosente ang kanyang asawa, hayaan siyang mabuhay na may kapayapaan. Hindi rin umano siya nag-eexpect na humingi ng tawad ang mga nag-aakusa sa kanyang asawa sa sandaling mapawalang sala.
Marami ang nagsasabing buwelta ni Lacson kay GMA ang pinasabog na anomalya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Ibinulgar ni Lacson sa kanyang privilege speech ang "Department of Underground" ng First Gentleman na gumamit ng P250 milyong pondo ng PCSO para gamitin sa kandidatura ng apat na kumandidatong senador.
Ang nagbunyag ng anomalya ay si Robert Rivero, dating media consultant ng PCSO. Si Rivero ay dating Editor-in-Chief ng Luzon Pen, isang weekly newspaper na pina-published ni Florencio Pareña at pag-aari naman ni Alfredo Tiongco, mga suspected drug lords. Ang asawa ni Rivero ay media relations officer naman umano ni Lacson.
Nararapat nang masimulan ang imbestigasyon sa First Gentleman upang lumabas na ang katotohanan. Inaabangan ng taumbayan ang kahihinatnan ng pinasabog na anomalya. At habang hindi nalilinis ang pangalan, tiyak namang kay GMA lalatay ang sakit at hindi hihiwalayan ng mga matang mapanuri.
Sagutin ang lahat ng mga paratang upang matapos na at matahimik na si Lacson. Mula nang maupo si Lacson at ang mga kasamahan niya sa Senado ay wala pa silang nagagawa para sa kabutihan ng mga naghalal sa kanila. Hindi ang batikusan nang batikusan ang hangad ng taumbayan kundi ang mahango sila sa kahirapan ng buhay.