Hindi naniniwala ang mga junior officers ng PNP sa mga dinami-daming patutsada ng kanilang mga superior officers. Anila ang bottomline dito sa kagustuhan nilang mapanatili sa puwesto ay dahil nasarapan o nasilaw sila sa kapangyarihan. He-he-he! Ang gulo nyo diyan sa PNP! Kung sabagay, talamak na ang operasyon ng jueteng sa buong bansa at mukhang sa PNP ay may nakikinabang. Di ba Boss Wally?
Sa susunod na taon, may 21 heneral ng pulisya, kabilang na si PNP Chief Director Gen. Leandro Mendoza, ang magreretiro sa puwesto. At kapag tuluy-tuloy ang pagretiro nila, ibig sabihin nito mabibigyan ng pagkakataon ang lahat ng junior officers para ma-promote at ilabas ang kanilang kakayahan para maiahon ang masamang imahe ng PNP. Pero dahil sa planong extension ng mga magreretirong heneral ang pag-asa ng mga junior officers ay mauuwi sa wala. Ika nga, magiging bangungot na lamang ang kanilang mga pangarap.
Ang gustong mangyari ng mga magreretirong heneral ay i-amend ng Kongreso ang PNP law at bigyan nga sila ng extension. Pero ang masaklap dito, Kapag nakuha na nila ang kani-kanilang benepisyo sa kanilang pagreretiro, ibabalik na namang muli ang retirement age ng opisyal ng pulisya sa 56. Ano ba yan?
At hindi lang yan. Nanawagan din ang mga officers kay Mendoza na itigil na itong hindi makatarungang pag-promote ng opisyales ng PNP. Hinihiling din nilang bigyan ng puwesto ang mga tinatawag na floating generals para magkaroon na ng reconciliation sa PNP at maalis na ang tinatawag na gantihan.
Ang example ng mga junior officers ay ang promotion kamakailan ni Director Nestorio Gualberto, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Tinawag nilang unconstitutional ang promotion ni Gualberto dahil ang posisyon nito ay para sa one-star general lang. Anila, dapat sibakin na sa puwesto si Gualberto.
Lalong magkakawatak-watak ang PNP kung hindi ireretiro ni GMA si Mendoza at ang grupo nito. At hindi nalalayong lalong madagdagan ang demoralisasyon sa PNP kapag nanatili pa ang mga magreretirong heneral sa puwesto.