Sa tindi ng galit ni GMA makaraang iisyu ang memorandum, nasabi nito na kung hindi susunod ang mga opisyal ay mabuti na lamang na magsipag-resign na lamang sila. Kung hindi aniya makapagsasakripisyo ay umalis na lamang sa puwesto.
May palagay kaming marami ang hindi sumusunod sa memorandum at patuloy pa ring sumusuweldo nang malaking halaga. Habang patuloy na naghihirap ang bansa at dapa ang ekonomiya marami sa kanila ang hindi marunong magsakripisyo. Balewala sa kanila ang kautusan ni GMA.
Isa sa mga dapat busisiin ni GMA ay ang malalaking suweldo ng mga opisyal ng Government Service Insurance System (GSIS). Ayon sa report, ang President and General Manager ng GSIS ay tumatanggap ng buwanang sahod na P564,869.55; Executive Vice President, P453,548.90; Senior Vice President, P300,672.45 at Vice President, 252,187.40.
Ayon din sa report maski ang lowly GSIS employees ay nakatatanggap din ng malaking suweldo kumpara sa iba pang empleado ng gobyerno. Sinasabing ang laborer doon ay sumasahod ng P27,021.50; courier, P28,510.65; security guard, P30,104.20; utility foreman, P31, 809.40; bookbinder II, P33,633.50; at clerk IV, P35,585.20.
Hindi lamang ang GSIS sa palagay namin ang may ganitong kalalaking suweldo na tinatamasa ng mga opisyal at empleado. Marami pang ahensiya ng gobyerno na nagtatago ng kabulukan sa kabila na umuusok na ang galit ni GMA para makapagtipid. Masama ring halimbawa ang ganitong malalaking suweldo sa ibang empleado ng gobyerno.
Masisisi ba ang ilan kung magrebelde o kayay gumawa ng masama dahil sa hindi makatarungang trato. Marahil, dapat bulatlating muli ni GMA kung ang kanyang memorandum ay nasusunod o itoy walang pakinabang.