Binukod ng school ang guro sapagkat ang mga foreign hires ay may takdang panahon ng panunungkulan samantalang ang mga local hires ay permanente. At dahil nga ang mga foreign hires ay hindi permanente binigyan sila ng iba-ibang allowance sa pabahay, transportasyon, paglipat bahay at pamasahe. Bukod dito mas mataas ang kanilang suweldo ng 25 percent kaysa sa mga local hires na guro.
Kinuwestiyon ng mga gurong local hires ang mas mataas na suweldo ng mga foreign hires. Ito raw ay isang pagtatangi laban sa kanila. Pareho naman daw ang kanilang trabaho at tungkulin kaya hindi dapat mas mataas ang suweldo ng mga foreign hires. Sabi naman ng school itoy makatwirang pagtatangi dahil wala naman daw sariling kabuhayan dito sa Pilipinas ang mga foreign hires at ang trabaho nilay limitado lang. Hindi raw nila pinapaboran ang mga dayuhan sapagkat sa katunayan nga may mga banyaga rin sa mga hanay ng lokal na guro na may mga kabuhayan dito at tumatanggap din ng mas mababang suweldo. Tama ba ang school?
Mali. Ang mga gurong may parehong kuwalipikasyon, kakayahan, responsibilidad at pagmamalasakit sa trabaho sa ilalim ng parehong kundisyunes ay kailangang bayaran ng parehong suweldo. Kapag ang isang school, lokal man o pandaigdig ay nagbigay ng parehong puwesto at tungkulin sa mga guro, tinuturing na pareho rin ang kanilang trabaho. Kaya dapat pareho rin ang kanilang suweldo.
Ang suweldo ay para sa serbisyong ginawa. Kaya kung pareho ang serbisyo dapat pareho ang suweldo kahit lokal o dayuhan ang gumaganap nito. Kailangang ipaliwanag ng school at hindi ng mga guro kung bakit mas mababa ang tinatanggap nila. Hindi ito napatunayan o napaliwanag ng paaralan sa kasong ito.
Ang kanilang paliwanag na ang mas mataas na suweldo sa mga dayuhan ay bilang pang-akit lamang ay hindi sapat dahil may iba namang mga allowance na ibinibigay na sa mga ito na hindi ibinibigay sa mga lokal na guro. (International School vs. Quisumbing et. al. G.R. No. 128845 June 1, 2000).