Ang pag-amin ni Pedro

Sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, boluntaryong tinugon ni Pedro ang katanungan ng Panginoon na ‘‘Sino raw ako ayon sa mga tao?’’ Ang tahasang sagot ni Pedro: ‘‘Kayo ang Mesiyas ng Diyos.’’

Alam natin na sa bandang huli ng pasyon ni Jesus, itatatwa ni Pedro na kilala niya si Jesus. Subalit nakompronta nang mapanuring tingin ni Jesus, nag-iiyak sa lungkot si Pedro. At alam din natin na pagkatapos ng pagkabuhay na muli ni Jesus, mapagpakumbabang ipinahayag ni Pedro ang kanyang pagmamahal kay Jesus.

Narito ang salaysay ng pag-amin ni Pedro (Lk. 9:18-22).

‘‘Isang araw, samantalang nananalanging mag-isa si Jesus, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya sila, ‘Sino raw ako ayon sa mga tao?’’ Sumagot sila, ‘Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo: sabi naman ng iba, si Elias kayo, at may nagsasabi pang nabuhay ang isa sa mga propeta noong una.’ ‘Kayo naman, ano ang sabi ninyo?’ tanong niya sa kanila. ‘Ang Mesiyas ng Diyos!’ sagot ni Pedro.

‘Itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag na huwag nilang sasabihin ito kaninuman. At sinabi pa niya sa kanila, ‘Ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’’


Mahalaga na maunawaan nina Pedro at ng mga alagad na ang Mesiyas ay dapat magdusa at mamatay. Subalit siya ay bubuhaying muli sa ikatlong araw.

Para sa ating Kristiyano, gaya ng mga nauna sa atin na mga Kristiyano, dapat tayong makumbinsi na tayo rin sa ating pagpapalaganap at pagpapahayag ng paghahari ng Diyos ay dapat maging handa na magdusa, kahit na hanggang kamatayan, biglang pagsaksi kung sino si Jesus. Walang Kristiyanong pamumuhay o pagsaksi na walang krus. Sa pamamagitan lamang at sa daan ng krus makakamit natin ang pagkabuhay na muli kasama ni Jesus na nabuhay muling Panginoon.

Ito ang sariling pag-amin o pag-ako o pagpapahayag ng ating pananampalataya.

Show comments