Ang buhay senador

Alam n’yo ba na P35,000 ang buwanang suweldo ng isang senador? Sa ganyang sahod, ilang taon babawiin ni Sen. Loi Ejercito, na mahigit 70-anyos na, ang umano’y P49 milyong ginasta niya sa kampanya? Mga 117 taon lang naman.

Kaya bakit pa nagsesenador ang isang nilalang? At bakit umuubos ng pagkalaki-laking halaga? Siyempre, sasabihin niya, maglingkod sa masa nang walang imbot. At may pera naman akong pantustos.

Ang hirap maintindihan, ano. Sabi nga ni F. Scott Fitzgerald, iba talaga ang mayaman kaysa ikaw at ako.

Pero may dagdag pang probetse kaysa P35,000. Bawat senador ay may buwanang P580,000 na allowance para pansuweldo sa staff, pang-upa ng opisina, pambili ng office supplies at pambiyahe. Kung matipid at konti ang staff, may matitirang puwedeng ibulsa.

Sasabihin ng senador, kulang nga ang P580,000 e. Abonado pa nga kalimitan, lalo na’t dumagsa ang abuloy sa K-B-L. Kasal-Binyag-Libing.

May isa pang probetse: P776,000 kada buwan kapag chairman ng isang komite. Hindi importante kung ilang komite ang hawak, basta ’yon ang allowance kapag hepe.

Kung ganoon pala, bakit pa nag-aagawan ng komite ang mga senador? Ba’t di makontento sa isa, gayong P776,000 din ang tatanggapin miski tatlo ang chairmanship? Di ba’t halos hindi umandar ang trabaho sa Senado nu’ng Hulyo-Agosto dahil sa tampuhan tungkol sa paghawak ng kung anu-anong komite gayong may tig-isa na silang chairmanship?

’Yan ang sekreto sa Senado. Hindi naman lahat, pero may mga senador na ginagamit ang pagka-hepe ng komite para sa… alam mo na. Para bang ’yung paratang sa Gang of Five sa Kamara de Representante. Nag-iimbestiga para… alam mo na.

E papaano ba nakapagpatayo ng mansiyon ang isang dating senador na sipsip kay Joseph Estrada? At papaano nabili ng isang senador ang malaking tindahan ng luxury cars sa Libis, Quezon City? At papaano nakakuha ng malaking bahay sa US ang isa pa ring senador?

* * * Lumiham sa Pilipino Star NGAYON o sa Jariusbondoc@workmail.com.

Show comments