Lahat ng kasama ni Renato ay tinanggap ang alok at hindi na pumasok. Kinuha nila ang suweldo, separation pay at 13th month pay. Binalewala naman ni Renato ang alok at nagpatuloy siya sa trabaho. Dahil dito, sinulatan ng kompanya si Renato noong October 11, 1991 at inulit ang abisong ibinigay sa kanila. Kaya mula noon hindi na siya nakapasok sa trabaho.
Nagsampa ng reklamo si Renato. Sabi niya hindi legal ang ginawa ng kompanya na pagtatanggal sa kanya. Dapat daw binigyan siya ng isang buwang sulat abiso kung saan nakasaad ng malinaw ang dahilan ng pagtatanggal para mabigyan siya ng pagkakataong magpaliwanag at para malaman kung may katwiran nga ang pagtatanggal. Ang pagbibigay daw ng isang buwang suweldo sa halip ng 30 araw na abiso ay hindi sapat. Sabi naman ng kompanya, mas makabubuti pa raw nga sa mga empleyado ang isang buwang suweldo imbes 30 araw na abiso sapagkat may pagkakataon pa silang maghanap ng trabaho. Tama ba ang kompanya?
Mali. Ang hinihiling ng batas ay 30 araw na sulat abiso kung saan nakasaad ang dahilan ng pagtatanggal. Itoy hindi mapapalitan ng pagbibigay ng isang buwang suweldo. Ang pagbabayad ng isang buwang suweldo ay hindi nakatutugon sa mga damdamin ng isang empleyadong biglang mawawalan ng trabaho lalo pat hindi rin naabisuhan ang Department of Labor and Employment. Kinakailangan ang 30 araw na sulat abiso upang mabigyan ang empleyado ng pagkakataong makapaghanda at upang malaman ng Labor kung may katwiran nga ang kompanya sa pagtatanggal. Hindi ito magagampanan sa pamamagitan lang ng pagbabayad ng isang buwang suweldo sa halip na 30 araw na abiso. Kaya dapat bayaran ang suweldo ni Renato mula noong October 11, 1991 kung kailan siya hindi na pinapasok hanggang magkaroon ng desisyong nagpapatunay na legal ang dahilan ng pagkakatanggal sa kanya. (Serrano vs. NLRC et. al., G.R. No. 117040 May 4, 2000)