Wala pang balita kung kailan magkakaroon ng drug test sa mga drivers. Dapat ay noon pang September 4, 2001 nagkaroon ng mandatory drug testing sa mga mag-aaplay ng lisensiya subalit naipagpaliban na naman ito. May nagsabing ngayong October subalit tila walang balitang lumalabas mula sa tanggapan ni Transportation Sec. Pantaleon Alvarez. Habang nag-uurung-sulong naman sa drug testing ng mga drivers, maraming malalagim na aksidente ang nagaganap. At ang itinuturong dahilan ay ang pagkasabog ng mga drivers sa bawal na droga.
Sunud-sunod ang mga nangyayaring aksidente na kinasasangkutan ng mga pampasaherong bus. Noong Linggo, dalawang bus ang nahulog sa bangin sa Ternate, Cavite. Apat ang namatay at 48 ang malubhang nasugatan. Ang dalawang bus ay patungong Maynila galing sa isang excursion nang mahulog sa isang malalim na bangin. Kamakalawa isang bus na naman ang nahulog sa bangin sa Kayapa, Nueva Vizcaya. Pito ang namatay sa aksidente. Hindi pa malaman ng mga awtoridad kung ano ang naging sanhi ng aksidente.
Kung sa probinsiya ay may mga bus na duma-dive sa bangin, dito sa Metro Manila ay mas maraming umararo sa mga kawawang biktima na nag-aabang o tumatawid sa kalsada. Kamakalawa, isang rumaragasang Viron Transit bus ang tinumbok ang tumatawid na mag-ina sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City. Malagim ang sinapit ng ina na naging dahilan ng biglaang kamatayan nito samantalang ang kanyang anak ay nag-aagaw-buhay sa ospital.
Ilan lamang ang mga ito sa mga malalagim na aksidenteng kinasasangkutan ng mga pampasaherong bus. Mayroong sinisisi ang kalumaan ng mga bumibiyaheng bus sa pagkakaroon ng aksidente subalit para sa amin, mas malaki ang posibilidad na ang mga drivers ay sabog sa shabu habang nagmamaneho.
Hindi na dapat mag-urung-sulong ang DOTC sa pagda-drug test ng mga drivers. Sa aming palagay kapag wala nang mga drivers na sabog sa shabu, wala nang gaanong magaganap na aksidente sa mga lansangan. Gawin na sana ito bago pa maraming buhay na naman ang masayang.