^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Dapat nang madurog ang mga corrupt

-
Kung gaano ang pagsisikap ng Amerika na madurog ang terorismo na puminsala sa kanila noong September 11, dapat ay ganito rin kasigasig at kasikap ang Arroyo administration sa pagdurog sa mga corrupt sa pamahalaan. Kumakalat na parang kanser ang corruption at walang mangahas na kayurin ang mga ito sa pagkakakapit sa buto. Sapul nang manungkulan si President Gloria Macapagal-Arroyo noong January, isa sa ipinangako niya ay ang pagdurog sa corruption. Alam niya na ang corruption sa pamahalaan ang nagpapahirap sa bansa at nagiging dahilan para hindi umusad at umunlad. Natatakot ang mga investors dahil sa talamak na corruption. Dahil sa corruption kaya maraming serbisyo ang hindi maisilbi sa taumbayan.

Ang bumagsak na Estrada administration ay isang magandang halimbawa ng gobyernong nabalot ng corruption. Namayani ang kanyang mga kaibigan, kamag-anak, at kumpare. Labis ang pagsasamantala. Naiwan sa kangkungan ang mga mahihirap na pinaasa ni Estrada. Ngayo’t nahaharap sa maraming kaso si Estrada. Naka-hospital arrest siya at bagamat umuusad naman ang kaso, marami rin naman ang naniniwala na walang kahihinatnan ang kanyang mga kasong may kinalaman sa corruption. Sino na bang mataas na opisyal ng pamahalaan ang nakulong dahil sa corruption? Wala pa. Tanging ang mga maliliit na empleado na nagnakaw ng kakarampot na pera ang nakakulong. Ang batas dito sa Pilipinas ay mabagsik lamang sa mga nahuhuling maliliit na insekto subalit hindi magawang maipakulong ang mga dambuhala.

Hindi dapat manghina ang Arroyo administration sa pagbaka sa mga corrupt sa pamahalaan. Ang ginawang pagre-resign noong nakaraang linggo ni Eufemio Domingo bilang chairman ng Presidential Anti-Graft Commission ay hindi dapat maging dahilan para maapektuhan ang pagdurog sa mga corrupt. Lalo pang paigtingin ang kampanya. Nagresign umano si Domingo sapagkat hindi kayang magtrabaho sa isang "high tension job".

Dapat ay hindi na magkamali si GMA sa pagpili ng bagong PAGC chairman. Siguruhin niyang ang mamumuno rito ay may kakayahan at matigas ang paninindigan laban sa mga kawatan. Kung walang gulugod ang kanyang mapipili walang katapusan ang pamamayagpag ng mga corrupt. Kawawa ang bansang ito. Tulad ng Amerika na umaasang mananalo laban sa mga walang kaluluwang terorista dapat ay ganito rin ang isipin ng Arroyo administration. Durugin ang mga corrupt!

ALAM

AMERIKA

CORRUPTION

DAHIL

DAPAT

EUFEMIO DOMINGO

PRESIDENT GLORIA MACAPAGAL-ARROYO

PRESIDENTIAL ANTI-GRAFT COMMISSION

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with