^

PSN Opinyon

Dapat bang posasan ni Atienza si Totoy Bato

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -
Nabili na pala ni Totoy Uy alyas Totoy Bato ang Merchant Hotel na tinaguriang "House of Sin" sa Chinatown sa Binondo. Wala namang masama sa pagkabili ni Totoy Bato sa Merchant Hotel, kaya lang ang bagong negosyo niyang ito ang magbibigay ng sakit ng ulo hindi lamang sa kanya kundi pati na kay Manila Mayor Lito Atienza. Kaya naman kasi natawag na "House of Sin" itong Merchant Hotel ay sa kadahilanang naging pugad ito ng ilegal na pasugalan at prostitusyon bunga sa Sauna Bath sa 3rd floor at night club sa 6th floor nito.

Bukambibig na ng mga Intsik itong pasugalan at kalaswaan sa Merchant Hotel subalit nagtataka tayo at hanggang ngayon ay bukas pa ito. Pakibusisi mo nga ito, Mayor Atienza! Kaya ko nasabing sakit ng ulo ang idudulot nitong Merchant Hotel kay Mayor Atienza ay dahil sa ngayon pa lamang ay gumagawa na ng aksiyon itong si Totoy Bato na unahin ang interes niya at hindi ang kapakanan ng Manileño.

Isang halimbawa lang ay ang pag-raid ng mga bataan ni Totoy Bato noong nakaraang Biyernes sa isang sauna parlor diyan sa T. Mapua St. kung saan maraming babae ang hinila at ikinulong sa city jail. Ang ipinagtataka ng may-ari ng establisimiyento ay kung bakit kinasuhan ang mga babae ng vagrancy at working without permits samantalang nagpakita naman siya ng kumpletong papeles kay Totoy Bato?

Walang opisina sa mga sumunod na dalawang araw kaya’t napilitang manatili sa city jail ang mga babae na ang kasalanan lamang ay ipinanganak silang mahirap. Lunes ng gabi na nakalabas ang mga pobreng babae. Ang masama pa, ginamit pa ni Totoy Bato si Mayor Atienza para maisyuhan ng closure order ang sauna parlor. Mabuti’t maagang naalimpungatan si Mayor Atienza sa mga patutsada ni Totoy Bato kaya’t nabawi niya ang closure order. Pag nagkataon kasi, ang pangalan ni Mayor Atienza ang magigisa samantalang ang bulsa naman ni Totoy Bato ang nabubundat.

Habang maaga pa, dapat posasan na ni Mayor Atienza itong si Totoy Bato at baka magdulot pa ito ng problema tulad ng kaibigan niyang si Kim Wong na nasa sentro ngayon ng imbestigasyon ng Senado ukol sa illegal drugs. Kunsabagay, sa kinikilos ngayon ni Totoy Bato, mukhang wala siyang ipinagkaiba kay Kim Wong na maagang nalasing sa kapangyarihan. Kaya naman pala kaliwa’t kanan ang isinasagawang raid ng mga pulis sa pangunguna ni Insp. Cabagnot ay upang masara ang mga kakumpitensiya ni Totoy Bato sa Chinatown.

Lumalabas na gustong solohin ni Totoy Bato ang negosyo sa Binondo, ayon sa mga espiya ko. Hayan lumabas na rin ang katotohanan, di ba mga suki. Interes niya ang ipinaglaban ni Totoy Bato at hindi ang kapakanan ng mga Manileño. Sa patuloy na operasyon ni Totoy Bato, ang pangalan ni Mayor Atienza ang nadudungisan at maaaring magdulot na rin ng masamang impresyon na magkakutsaba sila sa pagkakaperahan.

ATIENZA

BATO

HOUSE OF SIN

KAYA

KIM WONG

MAYOR ATIENZA

MERCHANT HOTEL

TOTOY

TOTOY BATO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with