Kaya huwag kayong magtaka mga suki kung magsarahan na ang jueteng sa inyong lugar, lalo na sa probinsiya, sa susunod na mga araw. Ang may kagagawan niyan ay itong si Secretary Lina, na ayon sa kapatid niyang si Bert Lina, ay hindi tumanggap ng pera sa mga gambling lords noong siya ay governor pa ng Laguna.
Sa isinagawang workshop, parang inamin na rin ni Lina na hindi nagsara ang jueteng ng maupo siyang Interior Secretary noong Pebrero. Bakit pa siya magpapalabas ng bagong kautusan kung sarado na nga ang jueteng? Hindi rin nalalayo na kahit anong workshop pa ang gagawin ni Lina, hindi pa rin siya susundin nitong mga LGUs at pulisya dahil may ehemplo na. Di ba mga suki. Kaya sa tingin ko moro-moro lang itong bagong kautusan ni Lina?
Kaya ko nasabi ito mga suki ay dahil may nasagap akong malalim na dahilan kung bakit biglang naghigpit na naman si Lina sa jueteng. Sinabi ng mga nakausap kong LGUs at mga pulis na ito palang si Lina ay kukumpirmahin na sa Senado at ang nasilip na butas sa kanya ay ang patuloy na jueteng operations sa bansa. Ipapasara pansamantala ni Lina ang jueteng para gumaan ang loob sa kanya ng mga senador, anila. Pero ayon naman sa mga matatanda, habang panahon na maging bukambibig ng mga Pinoy itong si Lina kapag totoong mapasara niya ang jueteng.
Kasi noon pang panahon ng mga ninuno natin, walang Herodes ang nakapagpasara nito. Gusto kayang mapasama ni Lina sa listahan ng mga bayani sa bansa? Kung enforcement at political solution lamang ang pagagalawin ni Lina ay sigurado akong hindi magtatagumpay ang kampanya niya. Kasi may apat na aspeto itong problema sa jueteng at ang enforcement at political ay dalawa lamang sa paraan para mapasara ito. Paano na lang ang social at economics?
Huwag mong sabihin Secretary Lina na habang masarap ang pagkain mo at ng iyong pamilya sa darating na Christmas season, hindi kayo kukunsensiyahin na walang makain ang mga masa, ang halos 70 percent ng Pilipino dahil wala silang trabaho? Ang tibay naman ng dibdib mo Secretary Lina. Kaya mo bang banggain ang kumpare ni GMA na si Bong Pineda ang Central Luzon jueteng King? Kaya malaki ang paniwala ko na kahit abot langit ang sigaw ni Lina na ipasara ang jueteng may pailalim na mangyayari rito. Di ba Boss Wally? Bago ba ang sombrero mo? At yan ang aabangan ng mga espiya ko.