Magdamag na umulan noong Miyerkules ng gabi at nagdulot ng pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila. Subalit kinabukasan (Huwebes), hinayaan pa rin ng Dep-Ed na pumasok ang mga estudyante sa public at private schools sa kabila na may banta pa rin ng mga pag-ulan. Ilang mabababang lugar lamang sa Malabon, Valenzuela at Navotas ang sinuspinde ang klase dahil lubog na ang mga ito sa baha na pinalubha pa ng high tide.
Bumuhos muli ang ulan nang nasa school na ang mga estudyante. Nang magtanghaliy malaki na ang sakop ng baha sa Quezon City, Maynila, Caloocan at iba pang lugar. Saka pa lamang nagpasya ang Dep-Ed na suspindehin ang klase sa lahat ng level. Kung kailan baha na at patuloy pa ang bagsak ng ulan. Kailan nga ba matututo ang mga opisyal sa Dep-Ed?
Nagkabuhul-buhol ang trapik nang magdagsaan pauwi ang mga estudyante. Marami ang nahirapang makasakay. Ang ilan ay matapang na nilusong ang baha. Wala naman silang magawa. O kung may gawin man, baka hindi rin mapakinggan ng Dep-Ed.
Nagpalit na ng pangalan ang departamentong ito. Mula sa pangalang Department of Education, Culture and Sports (DECS) ay naging Department of Education (Dep-Ed) na. Mas maikli at tila may bigat sa pandinig. Pero kasabay sana ng pagbabago sa pangalan ay magkaroon din ng pagbabago sa kanilang sistema. Magkaroon sana ng tiyak na pagpapasya sa pag-aanunsiyo kung sususpindehin ang klase sa panahon ng pag-ulan at pagbaha. Huwag sanang urung-sulong sa ganitong mga delikadong panahon. Suspindehin na sa umaga pa lamang upang hindi na mahulog sa patibong ng ulan at baha ang mga kawawang estudyante.
Inaasahan naming bibigyang-pansin ito ni Secretary Roco.