Mas lalong nakahihilo ang mga sagot ni Lacson sa paratang ni Corpus. Nung una, sabi niya na wala siyang account saan mang sulok ng mundo maliban sa Pinas. Kasi, wala naman daw siyang social security number para magbukas ng account sa US. Pero sa privilege speech niya, sabi niya meron pala siyang account sa Bank of America at Los Angeles nung 1995, bagamat sinara na niya nung 1997 o 1998. E papano ngayon yung sabi niyang wala siyang SS number? At papano ngayon yung pag-amin ng Bank of America na may account pala si Alice sa San Francisco, bagamat tila dormant na?
Sabi rin ni Lacson, O, heto ang special power of attorney para i-withdraw ni Corpus ang pera kung meron man. Pero ang SPA, walang bisa. Mali ang spelling ng pangalan; ginawang Corpuz. Tsaka puro account lang sa Hong Kong ang nilista; wala yung sa US at Canada. Kaso mo, sinara na ni Lacson yung Hong Kong accounts nang pumuslit siya doon nung July 26-28.
Ayon pa kay Lacson, ni minsan daw ay hindi sila nahuli ng bata niyang Sr. Supt. Michael Ray Aquino sa US o Canada nung 1999 dahil sa dollar smuggling. Guni-guni lang daw ni Corpus yon. Pero bakit may magkahiwalay na kaso sina Lacson at Aquino sa FBI? Yung kay Aquino, Criminal Case No. 99-71223-71. Yung kay Lacson, Criminal Case No. 99-72078-34. Padala ng FBI ang records na yan. Ano naman ang isasagot ni Lacson ngayon na guni-guni lang ng FBI ang case numbers? Ngek!