Pagkatapos ng bilihan nagulat na lamang si Rowena nang hinuli ng mga ahente ng gobyerno ang mga nasabing truck. Nagkaroon pala ng kasunduan ang BIR, LTO at Customs na bago irehistro ang mga imported na cargo trucks, kinakailangang magpakita ng sertipiko na bayad lahat ang buwis at aduana nito. Walang naipakita si Rowena dahil noong hilingin niya ito sa RC Motor Corporation, walang maibigay ang huli. Kayat napilitan si Rowena na magbayad ng P33,000 upang huwag makumpiska ang mga truck.
Pagkabayad niya, binalikan ni Rowena ang RC Motor Corp. upang singilin ang P33,000 binayad niya bilang buwis at aduana. Sinabi naman ng kompanya na wala na raw silang pananagutan mula nang mabili ni Rowena ang truck. Nalipat na raw kay Rowena ang pangangari ng truck noong singilin ang buwis at aduana. Tama ba ang kompanya.
Mali. Totoo ngang si Rowena na ang may-ari ng mga truck noong singilin ang buwis at aduana. Ngunit bago maganap ang bilihan tiniyak naman sa kanya ng presidente ng kompanya na bayad ang mga buwis at aduana nito. Hindi bibilhin ni Rowena ang mga truck kundi sa garantiyang ito ng kompanya. Kaya nang hindi maibigay sa kanya ng kompanya ang sertipiko na bayad na ang mga buwis at aduana ng mga truck, nilabag ng kompanya ang garantiyang ito.
Sa ilalim ng batas, maaaring ituloy ni Rowena ang pamumusisyon sa mga truck at singilin na lang ang kompanya ng danyos na nagkakahalaga ng P33,000. At ito naman ang siyang ginawa ni Rowena. Kaya dapat lang bayaran ng kompanya ng nasabing halagang P33,000 at interes na 6 percent at attorneys fees na P7,500. (Harrison Motors Corp. vs. Navarro G.R. No. 132269 April 27, 2000)