Ang pagdagsa ng mamumuhunan sa bansa ay naitala rin sa Philippine Economic Zone Authority kung saan ang real estates investments ay tumaas ng 19 percent sa unang anim na buwan ng taon kumpara sa P16.5 bilyon noong nakaraang taon.
Sa unang bahagi ng taon ay hindi positibo ang tingin ng marami sa ekonomiya bunsod ng masamang lagay ng pulitika at kapabayaan ng nakaraang administrasyon. Idagdag pa rito na sa pagpalit ng administrasyon ay lalong nangangamba ang mga negosyante. Subalit ngayon, bagaman halos mga lokal na kompanya ang mga namuhunan ay malakas at matibay ang indikasyon na bumalik na ang kumpiyansa at tiwala sa kasalukuyang administrasyon.
Ang kasalukuyang administrasyon ay mahigit anim na buwan pa lamang at napakarami pang kailangang ayusin sa larangan ng ekonomiya, seguridad at kapayapaan, kriminalidad maging mga repormang pulitikal. Mahalaga na ang mga programa ng administrasyon ay direktang tumutugon sa mga problemang ito. Kaakibat ng pagpapabuti ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno gaya ng pabahay at edukasyon ay unti-unting ibinabangon ang ekonomiya. Ang malinaw na panunumbalik ng kumpiyansa sa ating ekonomiya ay magandang pangitain na nasa tamang direksiyon ang kasalukuyang administrasyon.