Uri ng lupa

Ang Ebanghelyo ngayon ay isang talinghaga – tungkol sa mga uri ng lupa at kung bakit ang mga ito ay walang ibinubunga o di-kaya nama’y matabang lupa na marami ang ibinubunga. Kaagad, maaari nating tanungin ang ating mga sarili. Anong uri ng lupa ako? Ako ba ay namumunga o hindi?

Ito ang isang sandali upang bigyan-pansin ang ating buhay-pananampalataya, ang ating buhay-espiritwal. Ang atin bang buhay ay mayaman lamang sa mga bunga ng panlupang pamumuhay, o nakapag-impok na ba tayo ng masaganang ani na ating makakamtan sa kabilang buhay?

Mapagnilay na pakinggan si Mateo (Mt. 13:18-23).

‘‘Pakinggan nga ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig ng Salita tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi nakauunawa nito ay katulad ng mga binhing nahasik sa tabi ng daan. Dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanilang puso. Inilalarawan ng binhing nahasik sa kabatuhan ang nakikinig ng Salita at masayang tumanggap nito kaagad. Ngunit hindi ito tumitimo sa puso nila kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng mga kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Inilalarawan naman ng nahasik sa dawagan ang nakikinig ng Salita, ngunit naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, at naging maibigin sa mga kayamanan anupat ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang puso, kaya’t hindi makapamunga. At inilalarawan ng nahasik sa matabang lupa ang mga nakikinig ng Salita at nakauunawa nito. Sila’y namumunga: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.’’


Palagay ko’y madaling iugnay sa realidad ang naturang talinghaga. Ngunit hinihingi nito ang katapatan sa inyong sarili. Ang binhi na nahasik sa tabi ng daan ay kumakatawan sa mga taong walang interes kay Jesus at sa Ebanghelyo. Sila’y walang pagkaunawa sa Salita ng Diyos. Ang masama pa nito ay: ni hindi sila nababahala. Ang binhi na nahasik sa kabatuhan ay mga indibidwal na natutuwa sa kanilang pagiging Kristiyano. Subalit kapag ang mga sitwasyon sa buhay ay humingi sa kanila ng sakripisyo, sila’y nanlalamig at ayaw tumugon. Ang mga nahasik naman sa dawagan ay yaong mga Kristiyano na ang pamumuhay ay walang bunga pagkat ang kanilang isip at puso ay abala sa pera at kayamanan ng mundo.

At alin naman ang matatabang lupa? Sila’y mga Kristiyano na nakikinig sa Salita ng Diyos. Hinahayaan nila ang mga grasya na mamayani sa kanilang mga puso’t isip. Kapag sila’y naharap sa mga problema at mga pagsubok, sila’y nagtatagumpay. Sila’y namumunga. Niluluwalhati nila ang Diyos. Sila’y nagsisilbing inspirasyon para sa iba.

Show comments