Ibat ibang opinyon ang inihahayag tungkol dito. Sa isang panig ay ang argumentong trial by publicity. Baka raw kabahan ang mga witnesses kapag alam nilang nasa telebisyon sila at maapektuhan ang kanilang testimonya. At kung hindi makokontrol ang media sa pagpuna, baka makabuo ng public opinion sa guilt o innocence ni Erap. Ito ay nangyari sa kaso nina Hubert Webb, Romeo Jalosjos at kay Mayor Antonio Sanchez. Pero sa mga kasong ito, ang natelebisyon ay ang huling hatol na lamang hindi tulad noong impeachment trial na bawat araw at bawat testigo ay nakunan at napalabas.
Ang dahilan naman ng ibang grupo ay kung hindi raw maipakita ang paglilitis, maraming gimik na puwedeng mangyari sa loob ng court room. Ang tingin nila ay baka magkaroon ng magic at lutuin ang hustisya sapagkat walang bantay ng publiko.
Sa totoo lang, ayaw na ng mga Pilipinong makakita ulit ng dancing queen o ng ibang abogadong gumagawa ng fake na tao na itinuturo para lituhin ang witness, o ayaw na rin nilang makakita ng sira-ulo na galit na galit sa mga taong napasama lang ang tingin sa kanya ay ipinadampot at ipinalabas ng court room. Pero paano kung may ganitong mangyari ulit. Dapat naman na makita ulit ito ng taumbayan. At mangyayari lamang iyon kung ipalalabas ito sa telebisyon.
Reputasyon ng hustisya ang nakataya rito. Ang mga testigo ay kakabahan nasa telebisyon man o wala dating Presidente yata ang kanilang isinasangkot o dinedepensahan. Ang mga taong ayaw maistorbo ng hearing ay may karapatan namang hindi manood at patayin ang kanilang TV o ilipat ang channel. At makabuo man ng opinyon ang taumbayan sa trial by publicity, ang huling desisyon ay sa hukuman pa rin. Ang mahalaga ay mabigyan sila ng pagkakataon at paraan na makuha ang kaalaman at katotohanan.