Ang tanong ngayon ng mga nakausap ko bakit hindi binanggit ni Lina ang Lubao sa Pampanga na pugad ni Central Luzon jueteng King Bong Pineda, na kumpare naman ni Presidente Arroyo? Ibig bang sabihin ni Lina wala nang jueteng sa Lubao? He-he-he! Pati ako napatawa diyan ah.
Bakit hindi rin napasama ang Bulacan kung saan namumugad ang Viceo brothers; ang Ilocos Region ni Bonito Singson; ang Quezon ni Charing Magbuhos; ang Batangas at Bicol provinces ni Engr. Arman Sanchez. Nagbulag-bulagan lang ba si Lina o gusto lang niyang magpapogi dahil mukhang nanganganib na siya sa puwesto niya?
Kung nakatayo ka sa ngayon, kahit saang parte ng Pilipinas ka humarap ay puwede kang tumaya sa jueteng Secretary Lina Sir. Huwag kang mamili ng kalabanin dahil sisipa rin yan sa yo. Eh kung raid nang raid itong Task Force Jericho mo subalit hindi pa rin natitinag ang jueteng ibig sabihin may nangyari na kayat panahon na para magsuot ka ng helmet. Huwag yaong gawang lokal kasi mahina at baka masaktan ka pa.
Ang pangamba naman ng mga police commanders ay baka gagamitin lang ni Lina itong jueteng hot spots para mapalitan sila ng mga bata niya. Ano ba yan? Huwag naman dahil sa jueteng no, di ba mga suki? Nakakahiya yon! Sa Metro Manila naman walong siyudad lang ang binanggit sa jueteng hot spots ni Lina samantalang sa lahat na halos na lugar hayagan na ang operasyon ng mga pasugalan. Pati naman sa Metro ay may kinikilingan ka rin ha Secretary Lina. Kung dadami pa ang jueteng kahit sa ginawa mong pagbulgar ng DILG hot spots, wala nang dapat sisihin kundi si Secretary Lina, di ba mga suki? Sa magkanong dahilan, ang tanong ng mga nakausap ko?