Dati nga, Pinoy ang meyor dito sa Carson. Ilocanong-Bisaya na simpleng mamuhay. Nakilala ko siya nung nakapuwesto pa. Ang daming ginawang proyekto para sa mga Latino, Samoan, Blacks at Asians sa siyudad. Yumaman ang Carson. Kaya lang, tinalo ng Hapong sinuportahan ng ibang Pinoy. Pati rito, bitbit ang ugaling talangka.
Ang mga meyor sa California, hindi full-time. May konting allowance lang, pero may ibang regular na trabaho. Yung dating meyor nga ng Carson na Pinoy, empleyado ng environment bureau sa Los Angeles city hall. Kinagalitan minsan ng superior niya sa LA dahil hindi nagpapapasok at puro pagme-meyor ang inasikaso.
Isa ring pugad ng Pinoy ang Daly City sa norte, katabi ng San Francisco. Dati rin, Pinoy ang meyor doon, at maraming konsehal na Pinoy. Mas malaki ang Daly City. Mahigit kalahating-milyon ang tao. Mas maaksyon, mas maunlad.
Bibiyahe ako sa Daly bukas. Doon, kahit saan ka lumingon, may Pinoy. Sa coffeeshop sa Serramonte Mall, puro Pinoy. Sa airport at train station, puro Pinoy sa immigrations. Sa kalye, puro Pinoy ang pulis. May Jolibee, Ling Nam at Goldilocks; may Mabuhay phonecards at PNB.
Sobra nga lang ang lamig sa Daly. Matindi kaysa Baguio. Tuwing takipsilim, binabalot ng fog ang buong siyudad. Walang palya, 365 araw bawat taon. Kasi raw, ayon sa kasabihan, sabay-sabay sinisilip ng mga Pinoy kung in-in na ang sinaing. Sabay-sabay bumubuga ang usok mula sa kaldero. Kaya hayun, ang kapal ng fog. Pinoy nga naman