Tumahimik lamang si Estrada nang tanungin siyang guilty o not guilty. Ang ganitong pananahimik ay nangangahulugan lamang na wala siyang kasalanan sa ipinaparatang sa kanya. Sa batas, not guilty ang gustong sabihin nito. Bakit marami pang pakiyeme-kiyeme ang mga abogado ni Estrada na ipinalalabas sa Sandiganbayan?
Dapat sana ay matuwa si Estrada, gayundin ang kanyang mga abogado na sa haba ng paghihintay, nag-umpisa na ring isinapormal ang mga paratang at sisimulan na ang opisyal na paglilitis. Sa ngayon, panay na haka-haka pa lamang sapagkat hindi pa naman siya nahahatulan sa Korte.
Ilang buwan na ring nakakulong si Estrada. Kahit na sabihin pang naiiba ang treatment sa kanya kung ikukumpara sa mga ordinaryong bilanggo, bilanggo pa rin siya na walang kalayaan. Lalong masakit ito dahil sa siya ay dating pinakamataas na opisyal sa bansa. Hindi ba dapat lamang na matuwa si Estrada na maaaring mapawalang-sala na siya sa mga ipinaparatang sa kanya kapag inumpisahan nang litisin ang kanyang mga kaso?
Pero, bakit kaya sa halip na matuwa ang mga abogado ni Estrada, lumalabas na sila pa ang humaharang at nagpapabagal sa pagdinig sa mga kaso? Nararamdaman ba nila na mahahatulan ng guilty si Estrada dahil sa malakas ang mga ebidensiya laban dito?