Para sa kaalaman ng taga-Mandaluyong City, itong si Lim ay nasa poder ni Abalos at hindi ni Gentiles. Kaya palagi nyong maririnig si Lim na nagyayabang na direkta siya kay Abalos. Si Lim ay halos 10 taon na sa puwesto at masasabi nating kabisado na niya ang lahat ng sulok ng siyudad. Itanong mo yan sa mga vendors na pinagsisipa at pinagsasampal ng mga tauhan ni Lim, Mayor Abalos. At kapag matigas ang yong ulo, may tsansang ikakalat ng mga tauhan ni Lim ang paninda mo sa gitna ng kalye. Ganyan kalupit ang mga private army mo Mayor Abalos, ayon sa mga nagsusumbong sa akin.
At paano makapagtatrabaho itong si Gentiles ng maganda kung kapiranggot lang ang suporta mo. Pero kay Lim, sunod lahat ang layaw niya e pera-pera naman ang trabaho? Sa pagkaalam ko itong si Gentiles ay patuloy na binubulag ng mga bataan niya, di ba Chito Masilang at Medalla? Kung tatanungin mo ang mga financiers ng pasugalan diyan sa siyudad mo Mayor, kaya malaki ang lingguhang intelihensiya nitong sina Masilang at Medalla ay dahil wala namang ibang mauutusan si hepe na paghuhulihin kayo kundi kami.
Pero kahit ganyan ang sistema diyan sa Mandaluyong City, may mga magagandang accomplishment itong si Gentiles. Sa loob lamang ng anim na buwan 79 katao ang naaresto sa illegal gambling at P15,203 salapi ang nakumpiska habang 238 katao naman ang nahuli at 246.3 gramo ng shabu; 301.85 gramo ng marijuana at 358 gramo ng ruby ang narekober.
Ang private army naman ni Abalos ay nakaaresto ng 73 katao sa illegal gambling at 86 naman sa droga. Ngayon binigyan ni Abalos ng isang linggo si Gentiles para damputin at ikalabuso itong sina Diday, Ely Kambingan, Buddy at Momong. Nagbanta pa siyang dito nakasalalay kung ire-retain o sisibakin na niya si Gentiles. Sibakin mo na ang lahat ng pulis mo diyan Mayor at itira mo na lang ang mga private army mo.