Nagkakamali si Mendoza sa pagsasabing perception lamang ang lahat at hindi realidad. Maitatago ba ang talamak na mga pangyayaring sumasaklot ngayon sa mga mamamayan sa kamay ng mga halang ang kaluluwa. Nalalaman kaya ni Mendoza na mas madalas umaatake ngayon ang mga holdaper sa katanghaliang tapat at walang pangimi kung magsabog ng lagim.
Bukod sa holdapan sa mga banko, money changer at gold stores, ang panghoholdap ngayon sa mga FX taxis ang pinakabagong target ng mga halang ang kaluluwa. At ang pinaka-latest na biktima ng mga holdaper ay si Marietta de Guzman, 36, isang high school teacher na walang awang binaril sa dibdib at namatay noon din. Naganap ang panghoholdap noong Linggo sa kanto ng Kalaw at Roxas Boulevard.
Noong nakaraang linggo dalawang babaing journalists ang hinoldap din sa loob ng FX at nakuha ang kanilang mga cellphones. Naganap ang panghoholdap dakong alas-7:20 ng gabi habang tumatakbo ang FX sa Quezon Bridge sa Quiapo. Ang masaklap nang ireport ng dalawang journalists ang panghoholdap sa Western Police Districts (WPD) headquarters sa UN ave. ay sinabihan sila ng duty officer doon na sa Blumentritt Station (Station 3) mag-report.
Alam mo ba ito General Mendoza?
Marami pang kaso ng panghoholdap ang nangyayari ngayon at nakatutuwang may plano naman ang WPD sa ilalim ni acting director Senior Supt. Nicolas Pasinos tungkol dito. Balak niyang magpakalat ng mga secret marshalls.
Kailangan pa ba ang marshalls? Hindi ba mas mabuti kung pakakalatin na lamang ang mga pulis sa bawat lansangan ng Metro Manila at manmanan ang mga halang ang kaluluwa. Hindi na kailangan ang marshalls at baka magdulot lamang ito ng pagpa-panic ng mga pasahero at marami pang mamatay. Sapat na ang police visibility. Mahirap bang gawin ang mga ito? O sadyang ang "pangongotong" lamang ang kayang gawin ngayon at hindi ang pagpoprotekta sa mamamayan?