Noong Biyernes, inilahad ni President Gloria Macapagal-Arroyo na humihingi na siya ng tulong sa Washington upang mapulbos na ang mga Abu Sayyaf. Inihayag ni GMA na kailangan ng military ang mga surveillance at iba pang modernong kagamitan kaya ang mga ito ang hiniling niya sa mga Amerikano.
Mabuti naman at natauhan si GMA. Dapat sana ay noon pa niya ito napag-isipan at nabigyan kaagad ng aksyon. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na talagang kulang na kulang ang ating bansa sa mga kagamitang pang-giyera.
Kung hindi tayo tutulungan ng US, papaano magkakatotoo ang pangako ni GMA na mapupulbos ang mga Abu Sayyaf. Sa katunayan nga, ang mga sundalo pa ang napupulbusan ng alikabok at parang putak lang ng manok ang mga lumalabas sa kanilang mga armas dahil sa kalumaan na ng mga ito.
Naniniwala ako na magugupo rin ng gobyerno ang mga hinayupak na bandido kung magkakaroon ang military ng mga modernong armas. Magpaturo na rin ng makabagong stratehiya at taktika sa pakikipaglaban sa mga bandido. Wala akong duda sa katapangan at kagitingan ng ating mga sundalo. Ang kailangan lamang ay ang pagbibigay sa kanila ng mga kagamitan ganoon din ang suportang moral na kasalukuyan nang ibinibigay ng pamahalaan.