Inipon ko ang lahat ng reklamo ng mga magulang laban sa mga public school na lumalabag pa rin sa Memorandum Order 22s 2001 ni Department of Education Culture and Sports (DECS) Secretary Raul Roco.
Hindi mapigil ang hinaing na natatanggap ng OK KA BATA! mula sa mga magulang ng batang mag-aaral sa iba’t ibang public school hinggil sa illegal na paniningil ng contributions ng kanilang mga principal at teacher.
Katulad na lang Secretary Raul Roco sa E. Rodriguez Elementary School sa Montalban, Rizal na matatagpuan sa harapan ng munisipyo na illegal na hinihingan ang mga batang mag-aaral sa Grade 1 to 6 ng P20 para raw sa pagpipintura ng classroom.
Biruin n‘yo Secretary, sa Grade 1 lamang ay aabot na sa 10 section at ang bawat section ay may 50 pupils. Ilan kayang lata ng pintura ang mabibili nila. Baka naman mga mam pati bahay ninyo ay isinama na sa pagpipintura?
Ang isa pang anomalya Secretary Roco sa E. Rodriguez Elementary School ay ang sapilitang pagbebenta ng kakaining goto sa halagang P30 sa mga bata na kapag hindi bumili ay may nakahandang parusa.
Dito naman sa Pura V. Kalaw Elementary School sa Project. 4, Quezon City, naniningil ng P1 araw-araw sa mga Grade 6 pupils para raw ipambayad sa naglilinis ng kubeta. Ito raw ay sa utos naman ng principal na si Adelaida Acio at kapag hindi nakapagbayad ang estudyante, siya ang maglilinis ng comfort room.
May reklamo ring natanggap ang OK KA BATA! laban sa Wawa Elementary School sa Tanay, Rizal tungkol sa pagputol ng kuryente ng ilaw sa mga classroom ng mula Grade 1 to 6 dahil sa hindi raw nagbayad ng P175 ang bawat estudyante bilang tuition fees at contributions.
Ang tanging may ilaw lamang ay ang tanggapan ni punong-guro Myrna Cruz.
Mas mabuti pa ang ginawa ng principal ng San Isidro Elementary School na ipinasauli ang halagang P25 bilang diagnostic tests ng mga estudyante pero may kapalit na namang ginawa Secretary Roco.
Para raw walang problema at maging legal sa bagong kokolektahing P1 na ibabayad sa electricity ng nasabing school sa bawat pupils mula Grade 1 to 6 ay gagawa siya ng resolusyon at pipirmahan ng lahat ng magulang. Okey din kayo Mam.
Sa Marikina High School sa Sta. Elena, Marikina naman, sapilitan daw na naniningil ng P30 sa bawat estudyante para raw pambili ng electric fan.
Ano ba naman ‘yan mga sir at mam, papaano kayo igagalang ng mga magulang ng batang mag-aaral kung nagpapakita kayo ng ganitong ugali.
Matindi talaga Secretary Roco. Ano naman ang aksiyon ninyong gagawin sa mga kagalang-galang kunong opisyal ng mga nasabing school.