Habang patuloy ang kaguluhan sa Basilan na naging dahilan para bumagsak ang piso, P52.35 laban sa $1, bumabanat naman ang mga kidnapper dito sa Metro Manila. Noong nakaraang buwan, walo katao na ang iniulat na kinidnap at kinabibilangan ito ng mga negosyanteng dayuhan. Isang Singaporean at isang Briton na umano ang kinidnap at pinalaya lamang makaraang magbayad ng ransom. Ang pinakahuling insidente ng kidnapping ay nangyari noong Lunes ng umaga sa loob ng University of the Philippines, Diliman, Quezon City. Ang kinidnap ay ang anak ni Robert Cheng, may-ari ng Uratex Corp. Tatlong lalaking nakauniporme umano ng pulis ang dumukot kay Mary Grace Cheng-Rogasas at sa dalawa nitong bodyguards. Kamakalaway pinalaya na rin ang mga kinidnap makaraang magbayad umano ng P50 milyong ransom.
Mabilis naman sa pagsasabi si GMA na may grupong gustong sirain ang kanyang administrasyon dahil sa nangyayaring sunud-sunod na pangingidnap. Sabwatan umano ito ng mga kalaban niya sa pulitika. Nataon ang pangingidnap sa panahong pipirmahan na ni GMA ang National Anti-Crime Council na pamumunuan ni Justice Sec. Hernando Perez.
Sa mga nangyayaring pangingidnap ay tila nawawala naman sa direksiyon si GMA. Sa halip na pagtrabahuhin nang husto ang Philippine National Police (PNP) ay ang pagdepensa sa isyu ang binibigyang-halaga. Bakit hindi pakilusin ang mga pulis at habulin ang mga responsable sa serye ng mga pangingidnap? Bakit sa halip na magbanta nang magbanta ay palihim na pagapangin ang mga awtoridad at durugin ang mga sindikato ng kidnap-for-ransom? Alam naming kaya ito. Ang kailangan lamang ay kaseryosohan ng mga alagad ng batas. Ipakitang kayang gawin ang mga sinabi at pagbabanta upang magkaroon ng kaseguruhan ang lagay ng bansa.