Is the end near for NPC?
June 9, 2001 | 12:00am
Sayang ang National Press Club (NPC) kung tuluyang magsasara. Institusyon na ito na kumakatawan sa larangan ng pamamahayag sa bansa.
Nabanggit ko sa nakaraang kolum ang malaking problemang kinakaharap ng NPC. Ang P9 milyong backwages na hinahabol ng unyon ng mga manggagawa at ang final ruling ng National Labor Relations Commission (NLRC) na nag-oobliga sa NPC na bayaran ang malaking halagang ito. Final and executory na ang order kaya sadyang hindi na mapipigil ang implementasyon nito.
Nagsimula ang paghahabol ng mga kawani noon pang panahon ng dating NPC president Fred Gabot. Hinahabol ng mga empleyado ang anila’y kulang na apat na araw na kabayaran sa bawat buwan na ipinagtrabaho nila sa NPC. Habang hindi nila nakukuha ang kabayarang ito, patuloy namang pumapatak ang kanilang metro.
Iyan ang dahilan kung bakit umabot sa P9 na milyon ang utang ng NPC sa kanila. Nagkataong pumutok ang rurok ng problema pag-upong pag-upo pa lang ng mga bagong opisyal ng NPC sa pangunguna ni Louie Logarta ng Philippine Tribune bilang president at ng inyong lingkod bilang vice president.
Nasabi ko na sa nakalipas na kolum na naremata na ng abogado ng unyon sa utos ng NLRC ang ilang mahahalagang gamit ng NPC gaya ng piano, bilyaran at air conditioning units at balak pa nilang bumalik sa a-13 ng buwang ito para kunin pa ang ibang gamit.
Hindi na mapakiusapan ang abogada ng unyon na si Atty. Lualhati Cruz na mukhang matibay ang determinasyong ibodega na ang lahat ng natitinag na assets ng club upang ibenta at mabayaran ang atraso ng club sa mga empleyado. Ang kaibigan kong si Doming Ungria ng Journal Group ang kumuwestyon sa ginagawa nilang paghakot sa mga ari-arian ng NPC at narinig ko na lang na nag-alsa boses ang mataray na abogada.
Nangangamba ako na ang isang asset na pinupuntirya ay ang malaking painting ni Maestro Enteng Manansala na ang halaga’y maaaring umabot ng P20 milyon. Kung tutuusin, ito lang ang puwedeng ibenta upang tugunin ang claim na hinahabol ng mga kawani.
Naka-padlock ngayon ang restawran ng NPC. Mabuting hakbang ito para huwag munang mahakot kahit pansamantala ang iba pang mga kasangkapan ng club. Kung hindi’y baka tuluyan nang magsara ito.
Pansamantala, sa tulong ng bago naming abogadong si Atty. Mel "Batas" Mauricio ay hinahanapan namin ng solusyon ang problema na hindi namin puwedeng atrasan. Hindi puwedeng sabihing wala kaming kinalaman sa problema. Lalong hindi puwedeng talikdan ang responsibilidad sa mga kawani na bayaran ang kanilang claim. Pero hindi ito agarang magagawa. Sabi ko nga sa mga empleyado, hindi kami aatras sa aming responsibilidad. Pero kung ang aksyon ng unyon ay igigiit nila, sila mismo ang apektado dahil kung magsasara ang NPC, sila ang mawawalan ng trabaho. Ayaw nating mangyari ito dahil ang NPC ang siyang pinaka-inambayan ng mga mamamahayag sa peryodiko, radyo at telebisyon.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended


















