Bagamat maraming beses ko nang naisulat at nakapagbigay ng payo kung paano maiiwasan ang dalawang cancer na ito, hindi ako magsasawang uliting muli ito upang maging maingat ang mga kababaihan.
Sino ba ang mga babaing karaniwang tinatamaan ng cancer sa suso?
Ito ay ang mga kababaihang may ina, lola, kapatid, tiyahin na naging biktima na ng cancer. Maaaring magkaroon ng cancer sa suso ang mga babaing maagang nagkaroon ng regla at ang mga babaing tinigilan ng regla sa matandang gulang. Isinisisi rin bagamat hindi pa gaanong napatutunayan ang pagkakaroon ng cancer sa suso dahil sa mga mamantikang pagkain at ganoon din ang kapaligiran (environment). Ang mga babaing na-exposed sa radiation para sa postmartum mastitis; iyong mga sumailalim sa madalas na x-ray examinations para sa tuberkulosis at pneumothorax ay nanganganib na magka-cancer sa suso. Sa ngayon, wala namang virus na sinasabing dahilan ng pagkakaroon ng cancer sa suso.
Pinapayuhan ang mga kababaihang nanganak (kung mayroon silang gatas) na magpasuso sa kanilang mga anak. Maraming taon na ang nakalilipas, ang karaniwang gulang ng mga babaing nagkakaroon ng cancer sa suso ay 35 pataas. Ngayon ay nakalulungkot sabihin na pabata nang pabata ang nagkakaroon ng cancer sa suso.
Hindi naman dapat mag-panic ang mga kababaihang teenager kung mayroon silang ma-detect na abnormal na bukol sa kanilang suso. Kumunsulta agad sa doktor. Kung duda sa unang pagpapakunsulta, magpasuri na sa isang cancer expert.
Ano ba ang cancer sa cervix at sino ang mga babaing maaaring magkaroon nito?
Ang mga babaing maaaring magkaroon ng cancer sa cervix ay iyong maagang nag-aasawa at iyong maraming anak. Iyong mga babaing kung sinu-sino ang nakaka-sex at itinuturo ding dahilan ng cancer sa cervix ang mga viruses.
Sa sunod na Linggo ay tatalakayin ko ang symptoms ng cancer sa suso at cervix.