Ang problema ng katiwalian ay masasabi kong isa sa pinakamalaking problema ng ating pamahalaan mula pa man noong panahon ni President Quezon. Bakit binigyan ng pansin at tuon ng VACC ang problemang ito maliban sa krimen?
Marami nang pag-aaral at imbestigasyon ang nagawa na ng mga nakalipas na administrasyon ng Republika ng Pilipinas at ang problemang ito ay hindi masugpu-sugpo. Napakahalaga sa bahagi ng VACC ang layuning makatulong sa ating pamahalaan na bawasan lamang ang katiwalian sa ating iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
May lumabas na pagsusuri ang Social Weather Station (SWS) na 40 percent daw ng budget ng pamahalaan na ibinabahagi sa iba’t ibang ahensiya ay napunta sa katiwalian. Kung ang ating 1998-1999 budget ay umaabot sa 570 bilyong piso at ang utang ng pamahalaan sa iba’t ibang banko sa mundo ay umaabot sa palagay natin ay mga P170 bilyon bawat taon, ang maiiwan ay P400 bilyon para sa pamahalaan. Kung tama ang pagsusuring nabanggit, masasabi kong P160 bilyon ay napupunta sa katiwalian. Sana ang kalkulang ito ay mali, dahil kung tama ito ay masasabi nating nakakalungkot at kagimbal-gimbal.
Noong Biyernes, buong karangalang tinanggap ng VACC ang parangal dito bilang ‘‘Outstanding Corruption Prevention Unit’’ (CPU) ng Ombudsman, matapos lamang ang mahigit sa isang taong pakikipagtulungan nito sa nasabing ahensiya ng pamahalaan sa pagsugpo sa katiwalian.
Panauhing pandangal si President Gloria Macapagal-Arroyo, na nagbigay ng parangal sa mga napili ng Ombudsman bilang mga tunay na kabalikat nito sa kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian.