Isa sa mga kasamahan ko sa trabaho ang actual na nasaksihan ang naganap na holdapan kamakailan sa loob mismo ng FX Tamaraw taxi dahil nakasakay siya sa gitna at walang kamalay-malay ang mga pasaherong nasa harapan partikular na ang driver ay may nagaganap na palang holdapan.
Matapos na makuha ang apat na cellular phone sa mga pasahero ng dalawang kalalakihang naka-suot ng short at naka-sombrero ay sinamantala nila ang trapik at bumaba sa ibabaw ang Quezon Bridge. Hindi na mga alahas na suot ng mga pasahero at pera ang kinukuha ng grupo ng mga kabataang holdaper ngayon kundi mga mamahaling cellular phone na dala ng mga pasahero.
Ang matindi nito mga kabayan, may nakalap pang impormasyon ang OK KA BATA! na ang mga nakukulimbat na cellular phones sa mga pobreng pasahero ay ibinebenta naman sa mga tindahan sa Aranque market at ibang tindahan sa kahabaan ng Recto Avenue, Sta. Cruz, Maynila.
May nakapagsabi pa sa OK KA BATA! na protektado daw ang grupo ng holdaper ng mga tiwaling pulis Maynila na may P1,000 komisyon bawat cell phone na nakukulimbat kapag ibinebenta na sa mga tindahan sa Aranque market.
Kaya para sa mga katoto natin na may balak na bumili ng cellular phone sa Aranque market sa kahabaan ng Recto Avenue, mag-isip-isip na kayo dahil kapag bumili kayo diyan ay siguradong makukulimbat din.
Ito ang kanilang modus operandi taumbayan, may magti-tip sa mga holdaper na kasabwat din ng mga may-ari ng tindahan o kaya mga look-out na kayo ay bumili at siguradong susundan na kayo at magbilang na kayo ng hakbang at siguradong holdap na ito.
Sa mga mahilig magyabang na magdala ng cellphone na ipinakikita pa sa madla kapag nasa mga pampasaherong jeep, bus at taxi, mas mabuti pang pansamantalang itago muna ninyo ito.