Mahalaga ang araw na ito sa mga boboto. Dalawang beses isipin kung tama ang isusulat na pangalan sa balota. Pakaisipin na baka ang maiboto ay kandidatong mangungurakot lamang upang mabawi ang nagastos sa election. Baka ang maiboto ay kandidatong maraming ipinangako subalit hindi naman tutuparin. Baka ang maiboto ay hayok sa laman tulad ng naibotong congressman at mayor na naakusahang nanggahasa at ngayo’y nakakulong. Baka ang maibotong kandidato ay magpayaman at kabi-kabila ang kahaharaping kaso ng graft and corruption. Baka ang maibotong kandidato ay kung anu-anong bisyo ang nasa katawan. Baka ang maibotong kandidato ay mahilig sa babae at kung sinu-sino ang kinakasama. Baka magkamaling ang iboto ay artistang gusto lamang patunayan sa lahat na siya ay sikat. Baka ang maiboto ay artistang wala namang plataporma para sa kanyang nasasakupan at hindi alam ang pagsisilbi kundi arte.
Hindi na dapat pang magkamali ang taumbayan sa pagkakataong ito. Suriin at pag-aralang mabuti ang kandidatong iboboto. Hindi dahil sa sikat o guwapo ang kandidato ay ito ang pipiliin. Tingnan ang kanyang kuwalipikasyon kung maaari ba niyang matugunan ang pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan. May sapat ba siyang kaalaman sa pagpapatakbo ng komunidad o wala. May nalalaman ba siya upang maipagtanggol ang karapatan ng kapwa o isa siyang "aso" na bahag ang buntot at kakahol-kahol lamang at hindi marunong magdesisyon.
Huwag ipagsapalaran ang boto sa mga kandidatong may maitim na balak na ang hangad lamang ay maglingkod sa isang "maimpluwensiyang tao" at hindi sa taumbayang nagbigay ng boto. Iboto lamang ang inaakalang kandidato na magiging bukas sa katotohanan at hindi tutulong sa pagtatago ng katiwalian.
Huwag sayangin ang boto sa araw na ito. Tiyaking ang iboboto ay tunay na tao at hindi nagpapanggap lamang na "tao".