Anang isa: ‘‘Mahirap nang buwagin ang political dynasty ng mga Joson. Pader iyang si (Governor) Tommy na mahirap tibagin.’’
‘‘Kung pader si Tommy, si Rep. Rico Fajardo naman ang maso na gigiba sa ampaw na pader na di man lang masandalan ng taumbayan na walang trabaho,’’ kontra naman ng ikalawa.
Patuloy daw na nangungulelat sa pag-unlad ang Nueva Ecija kaya ang karamihan, maliban na lamang marahil yaong mga kamag-anak at iba pa na nakikinabang sa rehimeng Joson, ay naghahangad na raw ng pagbabago sa lalawigan.
Mainit ang usapan. Binanggit pa ng isa ang mga malalaking achievement ni Fajardo bilang solong third termer Congressman. Kasama rito ang malalaking imprastruktura sa Laur, Gabaldon at mga dam na umano’y inaangkin pa ngayon ni Gov. Joson.
Kamakailan, nakakuha ako ng isang sipi ng pulyeto ng Bayan Muna Party List sa Nueva Ecija. May pamagat itong ‘‘Dynasty, Fraud, Terrorism.’’
Tinalakay sa pulyetong ito ang katangian ng eleksiyon sa lalawigan na ginagamitan umano ng panlilinlang at karahasan para lamang magwagi ang mga nangungunyapit sa poder. Ang karamihan sa mga nakasaad dito’y dati nang naibalita sa mga pahayagan. Ngunit ang iba sa mga malalagim na pangyayaring ito’y kept under wraps na lang dahil wala umanong maglakas-loob na magbunyag.
Halimbawa, noong 1992, isang barangay captain ng Cuyapo na panig sa kalabang partido ang namatayan ng anak dahil ayaw daw bumaligtad.
Dinukot umano ng mga pulis ang anak, tinortyur hanggang mamatay at ang bangkay ay itinapon na lang sa Muñoz. Mula raw noon, ang mga taumbayan, dahil sa takot ay walang choice kundi maging pro-Joson. Kaya ngayon, ang pumalit na barangay captain ay tinututulan daw ang pagtatayo ng Bayan Muna Center. Natatakot sapitin ang karanasan ng naunang kapitan.
Noong 1998 elections, Si Carding Velarde, ABC captain ng Jaen na gustong mag-meyor ay binaril at napatay. Noong nakaraang taon, ang ama niya na dating meyor ay tinodas din.
At sino ang makalilimot sa brutal na pagpaslang kay Lakas-NUCD gubernatorial bet Honorato Perez noong 1995? Dahil dito’y nakalaboso nang kung ilang taon ng mag-utol na Gov. Joson at Quezon Mayor Cristino ‘‘Boyet" Joson.
Tila ang Bayan Muna ang naglalantad sa politikal situation sa probinsiya. Sabi ng manipesto nila, 50 taong kontrolado ng mga Joson ang Nueva Ecija.
Bukod kina, Tommy, Boyet, Vice Gov. Ding (kapatid nila) at hipag na si Rep. (1st District) Josie Joson (misis ni Boyet) balak pa umanong palawakin ng mga Joson ang reyno sa pagtakbo ng anak ni Tommy na si Edward bilang Kongresista ng 3rd district.
Si Edno (utol ni Boyet) sa Party List Ahon Bayan, Boyet Dizon (manugang ni Edno) bilang Guimba Mayor at Greg Manuel (bayaw ni Boyet) bilang Kongresista ng 4th district.
Wow! Pinagpapawisan ako sa haba ng litanyang ito. Labanan ito ng koponan. Bakud-na-bakod ang Nueva Ecija ng iisang pamilya. Gising Novo Ecijanos!