May 300 naninirahan sa isang compound mula pa nang sila ay ipanganak, ang nagtayo ng isang asosasyon upang maisalin sa kanila ang titulo ng lupang kanilang tinitirhan. Kasama sa asosasyon sina Polly, Jun at Annie na nakaokupa ng tatlong lote. Pero hindi sila aktibo sa samahan dahil karaniwan silay namamalagi sa ibang bayan.
Sa tulong ng gobyerno, naisalin sa samahan ang lupa at nabigyan ito ng titulo. Pinaalam ito sa lahat ng miyembro at naatasan silang magbayad ng membership dues at ng kaukulang bayad sa kanilang mga loteng inookupahan. Pero sina Polly, Jun at Annie ay hindi nakapagbayad kaya pinaalis sila ng samahan sa kanilang mga lupa. Sabi naman ng tatlo, silay mga miyembro ng samahan at bilang miyembrong nangungupahan dito, hindi sila basta-basta mapaaalis. Tama ba sila?
Mali. Hindi man lang sila tumulong sa samahan noong nilalakad nito ang pagsasalin ng titulo. Wala sila nang kailangan ang kanilang tulong. Malinaw na hndi na sila interesado dahil may iba na silang lugar na pinamamalagian. Para sa kanila, ang mahalaga ay hindi na upang magkaroon pa ng lupang titirhan kundi upang paupahan ito na taliwas sa patakaran ng gobyernong bigyan ng lupa ang mga mahihirap. (Bautista vs. CA, G.R. 107293, March 2, 1993)