Anong mayroon ba si Manero na kailangang magkita at magkausap pa sila ng Presidente? Ganito ba kahalaga itong si Manero na personal na sinadya pa ni GMA sa Mindanao upang magdaupang-palad lamang sila? Di ba malaking kalabisan na yata ang pagpapakitang paboritismo ni GMA sa mamamatay-tao? Di ba dapat na patawan pa ng mas mabigat na parusa si Manero dahil sa pangalawang beses nang tumakas ito?
Marami ang tumuligsa sa ginawang ito ng Presidente. Ipinagtanggol pa nga nito ang ginawang pambihirang pagtanggap sa kriminal. Sinabi pa nga ni GMA na handa pa nga siyang makipagkita at makipagkamayan kay Abu Sabaya, ang opisyal na tagapagsalita ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Ano ba naman itong nangyayari kay GMA? Imbes na maipahiwatig niya sa taumbayan na dapat na kamuhian at ikahiya ang mga nagkasala at lumalabag sa batas ay lalo pa niyang ipinaparada na parang idolo ng bayan. Hindi ba dapat lamang na isuka ng mamamayan ang mga katulad nina Manero at Sabaya?
Kahit na ano pa ang gawing pagpapaliwanag ni GMA sa ginawa niyang pakikipagkita at pagpapakita ng kabutihan kay Manero, nasisiguro kong marami kaming hindi masisikmura ito. Sana nga ay wala nang iba pang kadahilanan si GMA na inililihim niya sa kanyang mamamayan kung kayat nakipagmabutihan siya kay Manero. Sana naman ay hindi siya magkamali sa kanyang mga hakbangin.