Sariwa pa sa gunita ang ginawa nilang pangingidnap ng dayuhan sa Malaysia kapalit ng mga limpak-limpak na dolyares. Gusto nilang palabasing tulad ng Moro Islamic Liberation Front, sila ay isa ring political group na nakikipaglaban sa pamahalaan.
Gusto nilang magkaroon ng kahalintulad na status.
Ngayoy ibig na naman nilang magpakita ng kanilang pekeng lakas. Nagbanta sila kamakailan na pupugutan nila ng ulo si Jeffrey Schilling, ang Amerikanong bihag daw nila noon pang isang taon. Kung hindi raw papayag makipag-usap sa kanila ang gobyerno, iaalay nilang birthday gift kay Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang ulo ni Schilling.
Naubusan na kasi ng alas ang Abu Sayyaf. Si Schilling ay supplier nila ng sandata. Hindi lang iyan, asawa siya ng pinsan ng pinuno ng Abu Sayyaf na si Abu Sabaya. In other words, isang kamag-anak na maituturing si Schilling. Isa ring Muslim si Schilling at isang kaalyado. Paano nilang ililigpit ito?
Hindi nila itinuloy ang pagpugot. Kesyo naawa raw sila sa ina ng Amerikano na umapela sa telebisyon na huwag ituloy ang execution. Kesyo naawa rin sila sa luhaang apela ni Ivy na siyang asawa ni Schilling.
Ngayoy nag-iba na naman sila ng diskarte. Anilay muli silang mangingidnap ng mga pari at madre. Ito raw ang panlaban nila sa all-out war ng gobyerno.
Akala nilay masisindak nila ang gobyerno. Pero matigas si Presidente Arroyo sa pagdedeklara na all-out war laban sa grupo. Correct decision!
Maraming kakamping Islamic nation ang gobyerno. Hindi kukunsintihin ng mga bansang ito ang unislamic na pamamaraang isinusulong ng Abu Sayyaf.
Ang Abu Sayyaf ay di tulad ng MILF o MNLF. Mga bandido ito na ang layunin lamang ay maghasik ng takot at humakot ng kayamanan sa ilegal na paraan. Mga kriminal na dapat sugpuin. Mga salot na kailangang puksain.
Kung gugustuhin ng gobyerno, kaya nito na pulbusin sa isang iglap ang Abu Sayyaf. Bukod kay Schilling na hindi naman totoong hostage, mayroon pang isang Pilipinong hostage ang mga ito na dapat iligtas. Kahit duda ako sa tunay na katayuan ni Schilling, binibigyan siya ng benefit of the doubt ng pamahalaan na nangakong kikilos sa ikaliligtas nito at ng isa pang hostage. Apurahin lamang ang rescue work na ito at nang sa gayoy maputulan na ng sungay at buntot ang mga demonyong Abu Sayyaf na iyan.