Isang gabi, sina Al at Gio kasama si Ray ay nag-iinuman sa isang magulong lugar sa Maynila. Pagdating ni Mel, isang pulis, nakihalubilo ito na ang sabi ay may balita raw siya na may kumakatalo sa kanya sa lugar na iyon. Lumipas ang ilang oras, lumipat ang mga nag-iinuman sa harap ng bahay ni Ray. Si Mel ay lasing na at sumusuray pa. Nang ala-1 na ng madaling-araw, sinaksak ni Al si Mel sa dibdib ng balisong, nakisama na rin si Gio na ang gamit naman ay icepick. Kinuha pa ni Al ang baril ni Mel at binaril pa ito sa leeg. Bago sila tuluyang tumakas ay kinuha rin nila ang relo at pitaka nito.
Nag-report si Ray sa pulisya na itinuturo ang dalawa na pumatay kay Mel. Pagkaraan ng 19 na oras, ay inaresto si Gio ng walang anumang warrant. Umamin ito sa krimeng ginawa at nakuha sa kanya ang baril at relo ni Mel. Sa hukuman, kinuwestiyon ni Gio ang legalidad ng pagkaka-aresto sa kanya. Labag daw ito sa batas dahil hindi suportado ng warrant of arrest and seizure. Tama ba siya?
Tama. Ang krimen ay naganap ng ala-1 ng madaling araw at ang pag-aresto ay ginawa ng makalipas ang 19 na oras. Dahil dito, hindi masasabing legal na warrantless arrest. Upang ito ay masakop sa naturang probisyon ng batas, nararapat na ang umarestong alagad ng batas ay may personal na kaalaman na ang krimen ay kagaganap pa lamang. Sa kasong ito, ang kaalaman ay nakuha lamang sa impormasyong ibinigay ni Ray. Dagdag pa rito ang haba ng agwat bago ginawa ang pag-aresto kay Gio na pinalipas muna ang 19 na oras.
Ganoon pa man, ang paglabag na ito sa batas ay hindi minamahalaga dahil ang pagkakasala nina Gio at Al ay hindi mapapasubalian pa. Mas importante ang takbo ng pangyayari na nagbibigay sa Estado at lipunan na usigin sila dahil ang bigat ng pagkakasala sa ginawang krimen ay lubhang napakalinaw. (People vs. Manlulu and Samson, G.R. #12140, April 22, 1994)