Ngayoy sunud-sunod na naman ang mga nagaganap na sunog at hindi malayong ang nangyari sa Ozone ay maulit. Panahon na rin ngayon ng pagseselebra ng mga estudyante sa kanilang pagtatapos at malamang na gawin ang selebrasyon sa katulad ng Ozone. Gaano kaligtas ang mga estudyante sa pagkakataong ito? May aral bang naidulot ang Ozone?
Kung susuriin ang hatol sa dalawang may-ari ng Ozone, kulang pa talaga ito sa nangyaring trahedya. Hindi masisisi ang mga nakaligtas na biktima o mga naulila kung sabihing dapat ding sunugin ang dalawang may-ari at iba pang kasangkot sa malagim na sunog. Bakit walang naparusahang building inspectors gayong ang mga ito ang nakababatid kung dapat bang bigyan ng lisensiya ang establisemiyento? Marahil ay hindi na nagkaroon ng inspection at hinayaan na lamang magkalagayan.
Ngayong Marso ay Fire Prevention Month. Sunud-sunod na ang mga nagaganap na sunog. Nasunog kamakailan ang Philippine International Convention Center at maraming napinsala. Kamakalaway nagkaroon ng sunog sa Guadalupe Viejo, Makati at sa Pasay. Palatandaang anumang oras kung hindi mag-iingat ang lahat ay maaaring sumiklab ang sunog. Ang tanong ay kung nakahanda nga ba ang mga kinauukulan sa salakay ng mapaminsalang sunog. May mga ginagawa bang pag-iinspeksiyon sa mga gusali, ospital, o paaralan para matiyak na ligtas sa pagkasunog. O nananatiling walang pakialam at kapag nangyari na ang trahedya at maraming namatay saka lamang magtuturuan.
Isang aral ang nangyari sa Ozone na hindi dapat kalimutan ng lahat. Hindi na dapat maulit ang trahedyang ito. Dapat mamulat ang mga kinauukulan na gawing ligtas ang lahat ng establisimiyento at maging mahigpit sa pagpapatupad ng batas. Hindi biro ang maging biktima ng sunog.