Sa kasalukuyan, usap-usapan ngayon sa WPD hindi lamang ang pag-promote kay Razon kundi maging kung sino ang kanyang kapalit. Dalawa ang matunog na papalit kay Razon at ang mga itoy kaklase niya sa Philippine Military Academy (PMA) Class 74. Sila ay sina Senior Supts. Nick Pasiños at Marcelino Franco na kasalukuyang deputy for administration ng WPD.
Kung paiiralin ang nangyari sa Cavite, mukhang lamang na itong si Pasiños. Sa pagtalaga kay Senior Supt. Sammy Pagdilao sa Cavite, nangangahulugang ang mga military ang nasusunod at hindi si President Gloria Macapagal-Arroyo. Si Pasiños kasi, ay tinutulak ni Executive Secretary Renato Teka-Teka de Villa. Di ba si Pagdilao rin ay manok ni dating Presidente Fidel V. Ramos? At si Ramos ang nanalo sa Cavite at hindi si GMA di ba?
At tulad sa kaso sa Cavite, ito namang si GMA ay tumawag din kay Mendoza para nga si Franco na ang papalit kay Razon. Hindi kasi lingid kay GMA na si Franco ang isa sa mga opisyal na nag-secure ng Malacañang noong kainitan ng EDSA People Power 2 at kailangan ding bigyan siya ng premyo. Tama si GMA di ba? Hindi lang yan. Si Franco ay well-respected sa Maynila at hindi na niya problema si Mayor Lito Atienza at ilan pang mga matataas na opisyales ng City Hall. Ang ibig kong sabihin, malinis ang service record nitong si Franco at kilala siya sa pagtatrabaho.
Pero kung sino man ang mapili kina Pasiños at Franco ang makikinabang tiyak ay ang mga Manileño dahil kapwa sila magaling na opisyal. Ang balita ko, hindi naman tumango si Mendoza sa kahilingan ni GMA dahil nangatwiran siyang dadaan pa ang appointment ng sinumang hihirangin sa top WPD post sa Special Police Officers Promotions Board (SPOPB). Ang ibig sabihin nito may semplang na naman si GMA at maaaring masundan ang nangyari sa Cavite. Mananaig na naman ba ang desisyon ng mga military?
Ang kasagutan kasi ni Mendoza ay parang may tinanguan na siyang tao para pumalit kay Razon. Hindi kaya si Teka-Teka yon? Magiging maliwanag ang kasagutan na hindi talaga si GMA ang nagpapatakbo ng gobyerno kapag ang manok ni Teka-Teka ang mahirang na police chief ng Maynila, di ba mga suki?