Ngayo’y sumasakit ang ulo ni GMA kung paano mare-reduce ang P225-billion budget deficit sa taong ito. Noong nakaraang linggo, iniisyu niya ang Administrative Order No. 5. Ito ay ang programa sa malawakang pagtitipid upang makapag-impok ng malaking halaga at mabawasan ang budget deficit. Sa ilalim ng austerity program, inaasahang makatitipid ang gobyerno ng P7 billion. Malaki ang paniniwala ni GMA na sa pamamagitan ng programang ito, matutulungan ang gobyerno na ma-reduce ang budget sa manageable level na P145 billion.
Batay sa kautusan ni GMA sa malawakang pagtitipid, pinagbabawalan ang pagbibigay ng umento sa sahod, karagdagang allowances at benipisyo sa lahat ng mga kawani sa gobyerno. Inaatasan ang agrarian at tourism agencies na magbawas ng gastos ng may limang porsiyento at ganoon din ang mga government controlled corporations. Nakasaad sa kautusan na walang ipatatayong mga bagong gusali at walang bibilhing mga bagong sasakyan. Ipinagbabawal din sa mga government officials na magbiyahe maliban kung ito ay may kaugnayan sa interes ng bansa. Wala ring mga bagong personnel na iha-hire maliban sa mga key positions para sa mga trabahong may kaugnayan sa medical, information technology at military. Ipinag-utos din sa lahat ng government agencies na magtipid sa paggamit ng gasolina, tubig at koryente.
Maganda ang planong ito sa pagtitipid ni GMA. umaasa naman kami na ang kautusang ito’y hindi lamang laway. Nagsasawa na ang taumbayan sa maraming kautusan sa pagtitipid na ningas-kugon lamang gaya nang nangyari sa mga naunang administrasyon. Hindi naipatupad ang pagtitipid sa Aquino, Ramos at Estrada administrations. Nag-ala-Asyong Aksaya ang mga gobyernong nabanggit. Ngayo’y marami ang nagnanais na matupad na ang kautusan sa pagtitipid. Patunayan mo, Mrs. President.