Si GMA at si Bush

DETROIT, Michigan – Maraming pagkakatulad ang mga bagong President ng United States at Pilipinas na sina George Bush at Gloria Macapagal-Arroyo.

Sabay silang naitalagang Presidente. Sa US, natapos ang panunungkulan ni Bill Clinton, at nag-take-over ang President-elect na si Bush.

Sa Pilipinas naman nag-aklas ang taumbayan kay Presidente Joseph Estrada kaya nailuklok si Vice President Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong Presidente, at ang detalye kaugnay nito’y alam na ng lahat.

Iyan ang unang pagkakatulad nina Bush at Arroyo. Sabay silang lumuklok sa kapangyarihan.

Ang isa pang pagkakatulad nila ay pareho silang anak ng mga dating Presidente. Maaalala natin na si George Bush Sr. na tatay ng bagong US President ay naglingkod ding Presidente, at si Diosdado Macapagal na tatay ni GMA ay naging Philippine President din bago pa man malagay sa kapangyarihan si Ferdinand Marcos.

Pero hindi natatapos diyan ang marami nilang pagkakatulad. Parehong na-impeach ang mga Presidenteng kanilang sinundan. Ang pagkakaiba nga lang, hindi na-convict si Clinton sa isyu nang imoralidad na ikinaso sa kanya. Mas malas si Estrada porke hindi man siya na-convict ng impeachment court, taumbayan mismo ang nag-convict sa kanya sa mga kaso ng katiwalian at imoralidad na ikinaso laban sa kanya kaya’t siya’y napatalsik sa tungkulin.

Pareho ring kontrobersyal sina Clinton at Estrada dahil kapwa sila babaero.

Si Clinton ay na-impeach dahil sa kahalayang ginawa niya sa loob mismo ng kanyang tanggapan sa kandungan ng isa sa mga White House trainees sa katauhan ni Monica Lewinsky. Naglutangan din ang iba pang babaing nagkaroon ng kaugnayan sa kanya.

Ganyan din naman ang nangyari kay Estrada na naging kontrobersyal dahil sa mga babaing iginarahe niya at binigyan ng mga magagarang mansyon na ang halaga’y daan-daang milyong piso.

Bush-Gloria… Clinton-Estrada… USA-Philippines.


May mga sirkumstansyang may pagkakahawig. Ang diperensiya nga lamang, maginhawa pa rin ang buhay sa US kahit sinasabing dumaranas ng economic crisis samantalang sa Pilipinas ay nagdudumilat pa rin ang problema sa karalitaan.

Sana, maging sa larangan ng kabuhayan ay magkaroon man lang ng bahagyang pagkakahawig ang Pilipinas sa US. Depende iyan sa pagpapatakbo ni GMA.

Makararating kaya tayo sa GLORIA?

Show comments