Nitong mga nakaraang araw lamang, isinalya ng gobyerno at ilang mga pribadong grupo ang mga kaso laban kay Erap sa Ombudsman. Ang mga kasong ito ay economic plunder, misuse of public funds, perjury, bribery, graft and possession of unexplained wealth. Kasalukuyang iniimbestigahan at pinag-aaralan nina Ombudsman Ani Desierto kung may base ang mga paratang bago pormal na i-file ang mga kaso sa Sandigambayan.
Subalit mabilis na umaksyon si Erap. Hiniling niya sa Supreme Court na pigilin ang Ombudsman sa pag-iimbestiga nito sa kanyang mga kaso. Okay lang ito, ang mahalaga ay naisampa na sa Ombudsman ng opisyal ang mga kaso. Mag-aabang na lang tayo kung ano ang magiging desisyon ng Supreme Court at kung ano namang aksyon ang gagawin ni Ombudsman Desierto.
Katulad nang nasabi na namin, dapat lamang na subaybayan at hindi lubayan ng gobyerno ang pagtugaygay upang maparusahan si Erap. Hindi dapat payagang ma-exile o makalabas ito ng bansa. Higit na makatwiran ang paharapin siya sa mga paratang na kasalanan niya. Magpapatunay ito na ang hustisya sa administrasyon ni GMA ay pantay-pantay at walang kinikilingang malalakas at mga maimpluwensiya.
Sa pagkakataong ito, hindi lamang si dating President Erap ang nasasakdal. Nasa harap rin ng hukuman ng mamamayan si President Arroyo, ang kanyang pamahalaan at si Ombudsman Desierto. Ang kanilang mga hakbang at mga aksyon tungkol sa kahahantungan ng mga kaso laban kay Erap ay nahaharap sa paglilitis ng taumbayan. Hindi lamang si Erap ang hahatulan kundi pati na si President Gloria Macapagal-Arroyo at si Ombudsman Aniano Desierto.